‘Di bobo ang mga senador kaya…
hataw tabloid
February 26, 2015
Opinion
TAPOS na ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa ‘pagpapamasaker’ ng ilan sa mga nakatataas sa PNP sa SAF 44 noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao este, mali pala kundi hinggil sa pagkapaslang sa mga dakilang pulis natin na nakipagbakbakan sa tropang MILF at BIFF nang dakpin nila si Marwan.
Tatlong linggo rin inabot ang inquiry, nasaksihan natin ang imbestigasyon – pagtatanong at pagsasagot ng mga iresponsableng sangkot na opisyal sa “krimen”.
Huling-huli sa bibig ng mga isinalang ang pagsisinungaling at pakikialam sa operasyon. Huling-huli rin ang ginawang pagbabalewala kina DILG Sec. Mar Roxas at OIC chief PNP, Gen. Espina kaya, hayun pumalpak ang ope-rasyon.
Huling-huli din ang pakikialam ni alyas “Mr. Adviser” at “Mr. Informer” sa operasyon – nakialam dahil sa kagustuhang magpapogi pero dahil sa makasariling interes kasabwat si alyas “Mr. Panot” hayun pumalpak ang misyon ng SAF.
Oo nga nakuha ni Marwan o napatay pero, kung hindi sana sa pakikialam ni suspendidong PNP chief, Mr. Alan Purisima (ayon kay Madame Senador Miriam) buhay pa sana ang 44 SAF at maganda ang kinalabasan ng misyon.
Ewan kung anong klaseng puso mayroon si Purisima nang sabihan siya ni Senador Defensor na kung hindi sana siya nakialam ay buhay pa sana ang 44.
Ano pa man, tapos na ang imbestigasyon – nakita din ang turuan blues lamang, ang tanong dito ng marami lalo na ang kaanak ng SAF 44, makamit na kaya ng mga kaanak ng napaslang ang katarungan?
May mga makukulong kaya sa mga miyembro ng MILF at BIFF na sinasabing pumatay sa 44 SAF? Malabo yatang may makulong sa mga nakagiyera ng SAF.
So, paano makamit ang katarungan?
Kaya kung malabo na may kasuhang MILF at BIFF, sino muna ang dapat na unahin na kasuhan para naman gumulong na ang kaso at makamit ang katarungan para sa 44 maging sa mga nasugatan>
Marahil dapat na unahing kasuhan (through the recommendation ng inquiry na pinanguna-han ni Sen. Grace Poe) ang mga iresponsableng opisyal ng PNP na direktang may kinalaman sa misyon na itinago kina Espina at Roxas.
Unahin kasuhan ang mga pakialamero – oo pakialamero na dapat labas siya sa trabahong ito. Si Mr. Pakialamero nga lang ba ang dapat na kasuhan? E paano iyong nasa likod ni Mr. Pakialamero na nagtatago sa Palasyo. Hindi ba, da-pat rin siyang kasuhan? Alalahanin natin, nakipagmi-ting siya sa suspendidong opisyal para sa misyon laban sa Marwan na hindi dapat. Sa halip, ang dapat na kamitin na misyon ay si OIC Espina.
Sana’y hindi masayang ang lahat – ang pagod ng mga Senador natin lalo na ang pawis at dugo na ibinuwis ng 44 sa “mission exodus.”
Hindi naman mga bobo ang mga senador natin kaya alam nila kung sino ang dapat na mga kasuhan sa mga opisyal ng gobyerno at PNP na may malaking pananagutan sa pagmasaker sa 44 SAF.
Obvious na obvious sa isinagawang imbestigasyon kung sino ang mga opisyal. Kahit munting batang nakapanood ng imbestigasyon ay batid niya kung sino-sino ang mga managot at kasuhan. Sana magkaroon ng lakas loob ang Senador natin kasuhan ang mga nakapa nilang manana-got.
Ngayon tapos na ang inquiry, sana di maka-limot ang mga Senador.
***
Para sa inyong reaksyon, sumbong at reklamo, magtext lang sa 09194212599.