Puring-puri ang mga BKs sa kabayong Fine Bluff, Extra Ordinary at Matang Tubig matapos makapagtala muli ng tig-isang panalo nitong nagdaang Martes sa pista ng Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Ang panalo ni Fine Bluff ay isang bigayan lang ang ginawa sa kanya ni Pati Dilema at agaran namang naipakita ni kabayo ang kanyang tulis sa pagremate.
Sa panalo ni Extra Ordinary ay nagkaroon naman ng maagang bakbakan sa harapan ang ilan sa mga nakalaban niya, kaya hinayaan muna ng sakay na si Arvi Peñaflor at pagpasok sa ultimo kuwartos ay inumpisahan na niyang ayudahan ng husto hanggang sa makabilang na sila sa mga nauuna. Pagsungaw sa rektahan ay nakuha na nila ang bandera at walang anuman na iniwan ang mga kalaban. At sa panalo ni Matang Tubig ay tila nag-ensayo sila sa aktuwal na takbuhan ng kanyang regular rider na si Toper Garganta.
Nasilip din ng mga BKs ang hindi magandang pananakay ng mga hineteng sina Jesse Guce at ang natitirang apprentice rider na si Jao Saulog, kaya tinatawagan nila ng pansin ang bagong pamunuan ng PHILRACOM na dapat pakitutukan ang nasabing dalawang mananakay para sa kapakanan nilang mga mananaya at ng industriya ng karera.
ni Fred L. Magno