ni James Ty III
ISA pang koponan ang nagpahayag ng pagnanais na maglaro sa PBA D League.
Kinumpirma ng bagong cellphone company na Cloudfone na balak itong sumali sa D League at katunayan, balak nitong kunin ang aktor na si Xian Lim bilang manlalaro.
Si Lim ay dating manlalaro ng UE Warriors sa UAAP bago siya pumasok sa pagiging artista ng ABS-CBN.
Ang problema para kay Lim ay dapat muna siyang magpalista sa rookie draft bago siya puwedeng maglaro sa D League.
Ganito ang nangyari nang na-draft ng AMA Computer University si Daniel Padilla noong isang taon ngunit umayaw si Padilla dahil sa tingin niya ay hindi siya bagay sa kompetisyon sa liga.
Dapat din sanang maglaro si Gerald Anderson sa NLEX ngunit hindi siya pinayagan ng ABS-CBN.
Tinanggap na ng D League ang ATC Healthcare Corp. bilang bagong miyembro ng liga.
Katatapos lang ang Aspirants Cup kung saan nagkampeon ang Hapee Toothpaste.
Ang susunod na torneo ng D League, ang Foundation Cup, ay magbubukas sa Marso 12.