Pamilya ng SAF 44 pinagalitan ni PNoy
hataw tabloid
February 23, 2015
Opinion
IMBES na tumango at ipangako na lamang na gagawin niya ang lahat ng puedeng gawin para makuha ang katarungan para sa 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force na pinatay ng Moro Islamic Liberation Front ay pinagalitan pa umano ni Pangulong BS Aquino ang kanilang mga nagluluksang kamag-anak dahil sa patuloy na paghingi ng mga ito ng katarungan. Kung tutuo ang ulat na ito ng Manila Standard (pinabulaanan ang ulat na ito ng mga amuyong ni BS Aquino) ay masasabi kong ibang klase talaga sa kawalan ng pagkalinga at pakiki-isa ang pangulong minsan ay sinuportahan ko. Hindi ko naman masabing “cerebral” (matalino tulad ni Ferdinand Marcos) si BS Aquino kaya hindi maaring ito ang dahilan na magpapaliwanag sa kanyang pagiging isnab at pagkakaroon ng ibang priorities. Siguro dahil mayaman, asendero at hindi siya nakaranas ng hirap na tulad na nararanasan natin kaya ganyan ang ugali niya. Bilang pangulo ay dapat nakikita ng bayan sa kanya ang katangiang mapagkalinga at ang kahandaan niyang na makiisa lalo na sa panahon ng kagipitan. Kawawa naman yung mga namatayan dahil hindi lamang sila nawalan ng mahal sa buhay…napagalitan pa sila ni BS Aquino. Ika nga “BS Aquino rub salt in an open wound” aray.
* * *
Tigilan na sana ng mga nag-iisip ng coup d’ etat ang kanilang mga plano sapagkat kahit na walang pakiramdam o simpatya si BS Aquino sa mga mahihirap ay hindi naman sapat na dahilan ang mga ito o ang kanyang mga sinasabing kapalpakan para siya ay patalsikin sa poder. Hindi naman tulad ng mga nagdaang administrasyong o rehimen ang kaso ni BS Aquino para balewalain natin ang pagiging sagrado ng poder na kinaluluklukan niya. Sa isang banda ay may mga nagawang mabuti ang walang pagkalingang pangulong ito. Naipakita niya sa taong bayan na posible palang sibakin o kasuhan ang mga taong makapangyarihan tulad halimbawa nina dating Chief Justice Renato Corona o mga Senador na si Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile. Aminin man natin o hindi record breaking ang ginawang ito ni BS Aquino…
* * *
Sana ang pagiging nasa disyerto ng sambayanang Filipino ay matapos na at masumpungan natin ang mailap na liwanag.
* * *
Kung ibig ninyo ng mahusay, dekalidad at matibay na Barong Tagalog, magsadya kayo sa Casedo’s Gown and Barong Embroidery sa Vanesa Homes, Maytalang 1, Lumban, Laguna. Hanapin ninyo ang mag-asawang Rey at Analie Casedo. Maari rin kayong tumawag sa 09228705893 / 09165753448 / 09273008338 / 09287005132 / 09228705894 / 09399385189