ni Tracy Cabrera
NAGPAUMANHIN sa mga kamaganakan ng biktima ang isang dating nurse na umaming pumatay sa mahigit 30 pasyente sa pamamagitan ng pagsaksak ng gamot sa mga ito bilang laro at pampawi ng pagkabagot.
“I am honestly sorry,” pahayag ng 38-anyos sa kanyang paglilitis, na kung saan nahaharap siya sa tatlong kaso ng murder.
“Kadalasan ang desisyon ay relatively spontaneous,” dagdag ng defendant, na kinilala lamang bilang Niels H. sa ilalim ng court reporting rules ng Germany.
Sinabi rin ng akusado na alam niyang hindi puwedeng balewalain ang kanyang ginawa at umaasa siyang kung mahahatulan ay makakatulong ito na magkaroon ng kapayapaan ang mga mahal sa buhay ng kanyang mga napatay.
Sumailalim sa paglilitis ang dating nurse sa Oldenburg sa northern Germany noong Setyembre ng nakaraang taon, sa kasong murder ng tatlong pasyente at attempted murder ng dalawa pa, gamit ang isang heart medication na nagpapababa ng blood pressure.
Hinayag ng isang psychiatric expert na umamin ang nurse sa kanyang krimen at kinumpisal nito na ginawa niya ang over-medication sa 90 pang pasyente, na sa nasabing bilang ay 30 ang namatay.
Pinaliwanag ni Niels na ang motibo niya ay lumikha ng medical emergency para maipakita niya ang kanyang resuscitation skills, subalit ginawa din niya ito dahil sa pagkabagot.
Ayon pa sa akusado, maligayang maligaya siya kapag nagawa niyang buhayin ang pasyente, at talaga namang nagdadalamhati kapag siya’y nabigong gawin ito. Sa bawat pagkakataon na namatay ang pasyente, pinangako niya sa kanyang sarili na ititigil na ang kakilakilabot na laro, subalit naglalaho din ang kanyang determinasyon pagkatapos nito.