“Pwede na ngayon tayong maghapunan…” pag-uunat-unat ng likod ni Lily sa swivel chair.
“Kanina pa nga ako gutom na gutom, e,” ani Jerick, himas-himas ang tiyan. “Tena…”
Magkahawak-kamay na lumabas ng opisina ang magkatipan. Doon sila nagtuloy sa isang fastfood na walking distance sa gusali ng kanilang publikasyon.
“Carbonara at juice lang ang orderin mo para sa akin,” sabi ng dalaga sa binata.
“Okey…” anito sa pagtango.
Pumila si Jerick sa food counter ng fastfood.
Inilabas ni Lily ang kopya ng kanyang nobela sa bag na kinandong sa pagkakaupo sa silya ng pangdalawahang mesita. Paglapit ng kanyang nobyo sa inokupahan nilang puwesto ay iniabot niya agad iyon.
“Nakaligtaan kong ibigay ito sa ‘yo nu’ng last week,” ani Lily sa pagngiti.
“Ah, oo nga pala…” sabi ni Jerick na napakamot sa ulo.
“Basahin mo na ‘yan sa pag-uwi mo, ha?” aniya na may lambing.
“Promise…” ang maagap na tugon ng binata.
Matapos kumain ay gusto na sana ni Lily na magpahatid kay Jerick sa pag-uwi ng bahay. Pero hindi siya makakuha ng tiyempo. Panay kasi ang pagbangka nito sa pagkukuwento ng kung anu-ano. At nagpatawa na naman ito nang nagpatawa. Naging mabili naman iyon sa kanya.
“Pero, teka… Alam mo bang tapos ko nang hulug-hulugan ang condo unit na inuuwian ko ngayon?” ang bagong paksang biglang isiningit ng binatang photog.
“Ow, talaga?… Saan ‘yun?” naitanong ni Lily.
“Sa Quezon City… Gusto mong makita?” sabi sa kanya ng nobyo.
Medyo nagdalawang isip siya kung sasama o hindi siya sasama kay Jerick. Pero maagap siyang hinila nito sa kamay. Nag-ala-salesman ito sa katamisan ng dila.
“Tingan mo lang kung papasa sa panlasa mo ang condo ko… Malay mo, isang araw, e mangarap ka rin na magkaroon ng sariling condo unit. At magandang investment ‘yun, di ba?” anito sa tonong mapanghikayat.
(Itutuloy)
ni REY ATALIA