SA wakas…kumasa rin si Floyd Mayweather kay Manny Pacquiao.
Kasado na ang kanilang laban sa May 2 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Marami ang nagulat sa naging desisyon ni Floyd na pumirma na sa kontrata para matuloy ang laban nila ni Pacman na matagal nang hinihintay ng mundo ng boksing.
Inaakala kasi ng maraming kritiko na gumagawa na naman ng alibi itong si Mayweather para maiwasang muli si Pacquiao.
Pero ikanga, naubusan na ng dahilan itong si Mayweather. At dumating na sa punto na wala na siyang maaatrasan at kailangan na niyang harapin ang naghahamon.
Kaya pikit-mata—pumirma na siya sa kontrata.
Sa unang araw pa lang pagkatapos pumirma ni Floyd sa kontrata, umarya na ang psywar ng kampo ng Mayweather.
Una nang naglabas ng panggiba si Mayweather. Tahasang sinabi nito na 47 boksingero ang nagtangka na talunin siya at lahat ay nabigo. Ngayon…binilang niya si Pacman na pang-48 na boksingero na mabibigong gibain ang walang talo niyang karta sa boksing.
Pagkatapos ng pahayag na iyon—may follow up agad na panggiba si Jeff Mayweather (uncle ni Floyd at isa sa kinikilala sa mundo ng boksing bilang world class na trainer). Sinabi nito na dalawa hanggang tatlong rounds lang ang itatagal ni Pacquiao.
oOo
Binabati natin ng isang masuwerteng araw ng pangangarera ang grupong KARERA KILATIS.
Ang Karera Kilatis ay isang grupo ng racing aficionados na aktibong sumusuporta sa tatlong karerahan ng bansa.
Ang nasabing grupo ay pinamumunuan ng mga ADMIN na sina Paul McDonald, Raymund Dela Cruz, Strike Velasquez, Jo Dela Cruz, JC Baricar, Arjay Telles Aquino, Roberto Fontanilla Ranjo, Ronnie Fernandez, Christopher Dela Cruz, Johnna Bermudez at Boozmhack.
ni Alex L. Cruz