PLDT Commonwealth QC Branch, bolerong sinungaling?
hataw tabloid
February 17, 2015
Opinion
ALAM kaya ni Manny V. Pangilinan (MVP), chairman ng Philippine Long Distance Telecommunication (PLDT) na marami siyang tauhan na bopols este, ‘magagaling’ pala?
I doubt na batid ng kagalang-galang na negosyante ang kapalpakan ng kanyang mga tauhan dahil kung alam niya ito, marahil ay hindi tayo mabibiktima ng kabopolan ng PLDT lalo na ang sangay nilang nasa Commonwealth Avenue – (Balara PLDT yata ito).
Akalain ninyo, dalawang linggo na akong nagre-report sa kanilang (171) bukod pa sa personal na pagrereklamo sa kanilang opisina hinggil sa kawalan ng dial tone ng linya ko.
Hayun, pulos pangako na lamang ang naiuuwi ko sa mga kawaning nakakausap ko. Pulos within the day daw o 24 to 48 hours ay magkakaroon na raw ng dial tone.
Tuwang-tuwa naman ako dahil nga sa tiwalang magkakaroon na pero ang lahat pala ay isang panloloko, panggagago, pambobola, etc.
Binigyan pa nga nila ako ng report number bilang patunay. Ito iyong sa personal na pagrereklamo ko sa kanilang tanggapan sa Commonwealth Avenue. Ang una’y 8790004. Ipinangako na sa loob ng 24 hanggang 48 oras ay maaayos na ito. Tulad nga ng sabi ko – ang lahat ay isang panggagago.
Makalipas ang 48 oras o tatlong araw pa nga ay wala naman nangyari, wala pa rin dial tone maging internet ay wala rin. Nabanggit ko na maging internet ay wala dahil itinanong din kung hindi rin ba ito gumagana o wala rin ba itong linya.
Makalipas ang tatlong araw, Feb 12, 2015 bumalik ako sa PLDT para personal na mag-follow-up dahil wala pa rin nangyayari sa ipinangako nilang maaayos na ito.
Nakalulungkot, panibagong pangako na naman at report number ang kanilang ipinauwi sa akin. Bagong report number ay 8827440.
Ano pa man, sabi ng tinatawag nilang sir (in charge siguro sa area namin) na ang problema daw ay nanakawan ng kable iyong bandang lugar namin. Kaya walang dial tone ang telepono namin at ilang PLDT subscribers sa Luzon Area, Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
So, wala akong choice kundi unawain. Tinanong ko rin kung matatagalan pa dahil nanakawan sila ng kable. Ang sabi, sandali lang daw – within the day lang daw ay maaayos na dahil ini-report at nag-request naman daw sila sa maintenance para sa pagsasaayos.
Natuwa uli tayo dahil inaasahan kong maibabalik na ang linya namin maging ng ilan sa kapitbahay ko.
Hayun, isang kapulpulan pala ang lahat. Kasinungalingan ang lahat, pananarantado ang lahat.
Mr. MVP alam ba ninyo itong kapulpulan ng mga tauhan mo?
Hanggang ngayon habang isinusulat ko ito na may kasamang galit sa pagtitipa – alas 9:45 na ng umaga, Pebrero 16, 2015 ay wala pa rin dial tone ang telepono. Nagsasawa na ako sa kapa-follow-up pero wala pa rin akong choice kundi mag-follow-up at ipadama na lang ang galit ko sa kanila.
Hay Mr. MVP, ano bang nangyayari sa mga tauhan mo, sa pagsisinungaling lang yata sila magaling! Wala naman akong pagkukulang sa PLDT – updated akong nagbabayad pero heto ang igaganti sa akin – serbisyong palpak at pangakong walang katapusan. Este hindi pala pangako kundi pagsisinungaling!
Ulitin ko, ang PLDT na branch na pulos kasinungalingan ang lahat ay nasa Commonwealth Avenue (malapit sa Shopwise) ang kanilang opisina.
Again Mr. Pangilinan, Chairman/President ng PLDT, your attention is badly needed please.