ni James Ty III
INAASAHANG darating sa bansa anumang araw ang mga balik-imports na sina Denzel Bowles, Wayne Chism at Arizona Reid bilang mga pamalit na imports sa PBA Commissioner’s Cup.
Isang source ang nagsabing nais ng North Luzon Expressway na kunin si Bowles upang palitan si Al Thornton na nalimitahan sa 12 puntos sa 87-62 na pagkatalo ng Road Warriors kontra Purefoods noong Miyerkoles.
Si Bowles ay dating import ng Purefoods na nagbigay sa Hotshots sa korona ng Commissioner’s Cup noong 2012 at kagagaling lang siya sa paglalaro sa Chinese Basketball Association.
Sa panig ng Rain or Shine, sinabi ni head coach Yeng Guiao na palalaruin muna ng Elasto Painters si Rick Jackson kontra Purefoods mamaya sa Dipolog bago magdesisyon kung papalitan si Jackson ni Chism na okey na ang kanyang pagbabalik sa PBA pagkatapos na maglaro sa ibang bansa.
Si Reid naman ay kursunada ng San Miguel Beer bilang kapalit ni Ronald Roberts na ayon sa isang miyembro ng coaching staff ng Beermen ay halos kapantay sa posisyon si June Mar Fajardo kaya ibinangko si Fajardo sa huling pagkatalo nila kontra Blackwater Sports noon ding Miyerkoles.
Pinakawalan na ng Rain or Shine si Reid kaya puwede siyang maglaro sa SMB.
“We let go of AZ because his performance dipped with us last year. We’re seriously thinking of getting another import next conference,” ani Guiao.