ni SABRINA PASCUA
ISA na namang higante ang pipiliting itumba ng nanggugulat na Barako Bull sa salpukan nila ng Talk N Text sa PBA Commissioner’s Cup mamayang 4:15 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Pakay naman ng Barangay Ginebra ang ikalawang panalo kontra KIA Carnival sa 7 pm main game.
Malinis ang record ng Energy matapos na magtala ng sunud-sunod na tagumpay kontra Blackwater (92-70), Barangay Ginebra (69-68) at KIA Carnival (95-86).
Malaking bagay para sa koponan ni coach Koy Banal ang 7-1 Nigerian Import na si Solomon Alabina na nagtala ng 26 puntos, 20 rebounds at walong blocked shots laban sa KIA,
Magbabalik din sa active duty si Solomon Mercado na hindi nakapaglaro laban sa Carnival. Makakasama niya sina JC Intal, Chico Lanete, RR Garcia at Jake Pascual.
Nais naman ng Tropang Texters na makabawi buhat sa 91-83 pagkatalong sinapit sa Meralco. Ang Tropang Texters, na may 2-1 record, ay pinamumunuan ni Richard Gowell na susuportahan nina Kelly Williams, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at mga rookies na sina Kevin Alas at Matt Ganuelas.
Ang Barangay Ginebra, na ngayon ay hawak ni head coach Ato Agustin, ay natalo sa unang dalawang laro nito sa Meralco at Barako Bull. Nakabangon sila nang talunin nila ang Philippine cup champion San Miguel Beer, 95-82 noong Linggo.
Ang Gin Kings ay nakakuha ng 29 puntos at 13 rebounds sa import na si Michael Dunigan. Subalit ang nagbida ay si Mark Caguioa na gumawa ng siyam sa kanyang 17 puntos sa fourth quarter.
Ang iba pang inaasahan ni Agustin ay sina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, LA Tenorio at Mac Baracael.
Matapos namang talunin ang San Miguel Beer, 88-78 ay nakalasap ng kabiguan ang KIA sa Barako Bull at bumagsak sa 1-3 karta.
Pambato ng KIA ang 7-3 import na si Peter John Ramos.