SA KINASUUNGANG KRISIS NALIMUTAN NI SGT. TOM AT ASAWA ANG DEMOLISYON
Pugtong-pugto na rin noon ang mga mata sa kaiiyak ng misis niyang si Nerissa. Dagdag na pabigat sa kalooban at isipan nito ang hindi niya pagsagot sa mga tawag sa kanyang cellphone. Nang mag-usisa kasi ito sa pagkasangkot niya sa kasong may kinalaman sa droga at sa pagkakapatay kay Sgt. Ruiz at ay “Ok lng ako. Pro ‘di 22o ang ibinibintang sa amin ni Rolly (pangalan ni Sgt. Ruiz)” ang tanging ini-reply niya.
Bunga niyon, pati ang problema nilang mag-asawa sa itinakdang araw para sa demolisyon ng mga kabahayan sa kanilang lugar ay hindi natutukan ng kanyang asawa. Wala itong kaalam-alam na nakahanda na ang mga gigiba sa mga tirahan ng mga residente roon na armado ng maso, martilyo at bareta de-kabra. Kaya nga hindi nito nagawang makipagkapit-bisig sa mga kapitbahay na nagsagawa ng pagbabarikada. Marahas na binuwag iyon ng mga pulis na kasama ng mga magsasagawa ng demo-lisyon. Nagulantang na lang ang misis niya sa naganap na kaguluhan sa kanilang lugar. Nagkarambulan, nagkapaluan at nagkabatuhan ang dalawang panig. Pero dakong huli, sa pananaig ng pwersa ng mga tagagiba ay tuluyan ding nawalan ng tirahan doon ang mahigit isang libong pamiya.
Madaling-araw nang muling tangkain ni Sgt. Tom na masilip ang kanyang mag-ina sa kanilang tahanan. Dinatnan niyang mga poste na lamang ang naiwanang nakatayo sa estruktura ng kanilang bahay. Nakabunton sa isang sulok ng lugar ang mga binakbak na kahoy, tabla at yero niyon. Natigagal siya sa panlulumo. Nangyari na ang demolisyon.
Wala ang kanyang asawa’t anak sa ka-lapit na eskwelahan na sinilungan ng mga nawalan ng bahay. Wala siyang alam kung saan pansamantalang nanuluyan ang kanyang mag-ina.
“Sa’n kau ngayon ng anak natin?”ang text niya kay Nerissa.
“D2 kmi kay Inday…” ang sagot nito.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia