Mapapanood ng live sa ABS-CBN Sports+Action ang kinasasabikang “State Farm All-Star Saturday” ngayong Linggo (Feb 15), 9:30 AM kung saan matutunghayan ang apat na inaabangang side events na Foot Locker Three Point contest, Degree Shooting Stars, Taco Bell Skills Challenge at Sprite Slam Dunk.
Ang “All-Star Saturday,” na ihahatid mula mismo sa Barclays Center sa Brooklyn, New York nina TJ Manotoc at Boom Gonzalez, ay kinasasabikan ng lahat dahil sa Slam Dunk contest. Ngunit ngayong taon, babandera ang Foot Locker Three Point contest bilang matindi ang kanilang kartada para sa taong ito. Walo sa pinakamatitinding tirador ng liga ang sasali at magpapaligsahan sa Brooklyn.
Idedepensa ni Marco Belinelli (SAS) ang kanyang korona laban sa kina Kyle Korver (ATL), Stephen Curry (GSW), Klay Thompson (GSW), Kyrie Irving (CLE), James Harden (HOU), JJ Redick (LAC), at Wes Matthews (POR).
Bukod sa three point contest, nariyan din ang Degree Shooting Stars kung saan maglalaban laban ang mga koponang binubuo ng isang kasalukuyang manlalaro, isang Legend at isang player mula sa WNBA. Ang Team Bosh (Chris Bosh, Dominique Wilkins, Swin Cash) ay pilit na idedepensa ang kanilang korona laban sa Team Curry (Stephen Curry, Dell Curry, Sue Bird), Team Westbrook (Russell Westbrook, Anfernee “Penny” Hardaway, Tamika Catchings) at Team Davis (Anthony Davis, Scottie Pippen, Ellena Delle Donne).
Ang Taco Bell Skills Challenge naman ay may bagong format na three-round, obstacle-course na competition kung saan importante ang basics tulad ng dribbling, passing, shooting, at liksi. Susubukang patumbahin ni Trey Burke (UTA) ang lahat ng mga challenger niya tulad nina Brandon Knight (MIL), John Wall (WAS), Kyle Lowry (TOR), Jimmy Butler (CHI), Jeff Teague (ATL), Isaiah Thomas (PHX), at Michael Carter-Williams (PHI).
Hindi naman papahuli ang magiging hari ng dakdakan na susubukang kunin ni Giannis Antetokounmpo (MIL), Victor Oladipo (ORL), Zach LaVine (MIN), at Mason Plumlee (BKN) na susubukan ding magpasikat sa mga manonood sa taas ng kanilang mga lipad.
Ang “State Farm All-Star Saturday” ay eere ng live sa ABS-CBN Sports + Action, 9:30 AM sa Linggo (Feb 15) na may primetime telecast sa Martes (Feb 17), 7 PM.