“At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.” Marcos 6:56
May mag-inang namasyal sa isang mall at dahil maraming tao, sinabi ng ina, “Anak, humawak ka sa akin para hindi ka mawala.”
Sagot ng anak, “Nay, kayo na lang ang humawak sa akin kasi kung ako, baka ma-kabitaw lang ako. Kung ikaw, alam kong hindi mo ako bibitawan.”
Kapag tayo ay dumaraan sa pagsubok o dumaranas ng hirap o pasakit sa buhay, karaniwan nating naririnig sa mga taong nagmamalasakit sa atin ang mga katagang katulad ng binigkas ng ina sa kwento, “Hawak lang. Huwag kang bibitaw.”
Ayon sa Salita ng Diyos na hinango natin sa Magandang Balita ayon kay San Marcos, maraming may karamdaman ang naghangad na hawakan kahit laylayan lang ng damit ni Kristo upang sila ay gumaling. Sa pamama-gitan lang ng hawak, nawawala ang kanilang karamdaman. Ang bagay na ito ay totoo pa rin hanggang ngayon. Kaya lang, ang “paghawak” sa Panginoon ay ginagawa natin sa pa-mamagitan ng buong-pusong pananampa-lataya at pagtitiwala sa Kanya.
May mga pagkakataon, sa harap ng mga matitinding pagsubok sa buhay, na maaaring bumitaw tayo sa Kanya. Huwag nating hayaang tayo’y tuluyang mapalayo. Bumalik tayo agad at hayaan nating Siya na lang ang humawak sa atin. Ngunit mangyayari lamang ito kapag kumalas tayo sa mga ibang bagay na maaaring humahawak sa atin, tulad ng masamang bisyo o adiksyon, pagkagahaman sa pera o kapangyarihan o anumang kasala-nan. Mangyayari lamang ito kapag muli ta-yong sumunod sa utos ng Diyos at sa kagustuhan niya para sa ating buhay. Hawak tayo ng Diyos kapag siya lamang ang nananahan sa ating puso. Tandaan natin: hinding-hindi niya tayo bibitawan.
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipagugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)
ni Divina Lumina