Mga epal sa “pumalpak” na SAF operation, ipain sa BIFF
hataw tabloid
February 12, 2015
Opinion
TAMA NA, paulit-ulit na lang ang lahat!
Tinutukoy natin ang imbestigasyon na ginagawa ng Senado sa Mamapasano massacre. Kasuhan na ang dapat kasuhan, ang mga responsableng opisyal ng PNP sa ‘pagpapain’ sa SAF para lamang makuha ang teroristang si Marwan.
Sa nakalipas na dalawang araw o ikatlong araw kahapon sa isinagawang imbestigasyon ng Senado, paulit-ulit na lamang ang lahat. Nakabibingi na.
Nakabibingi na ang mga paulit-ulit na katanungan at kasagutan na pagpapalusot ng mga iresponsableng opisyal ng PNP.
Ngunit nakabibingi man ay maganda naman ang resulta – kahit na ordinaryong tao na walang nalalaman sa batas ay huli na niya kung sino ang dapat managot sa ‘pagpapapatay’ sa 44 SAF.
Sa pagsisinungaling na lamang ng mga opisyal ng PNP na sangkot, obvious na kung sino ang mga nag-utos sa mga SAF sa sumalakay na.
Hindi na natin kailangan pang banggitin kung sino ang mga dapat ‘pagbabarilin’ nang buhay para papanagutin sa pagkakapaslang sa 44 SAF, at sa halip alam naman na ng magigiting nating Senador kung sino sila.
Kaya dapat na nilang wakasan ang imbestigasyon – marami pang prayoridad pero nakabinbing mga panukalang batas para sa mamamayan.
Ibig po natin sabihin, dapat nang kasuhan ang mga obvious na nakikitang mananagot. Hindi lang perjury sa patuloy na pagsisinungaling ang ikakaso sa kanila kundi administratively din. At kapag nakasuhan, suspendihin din sila. E paano iyong isa, suspendido na. Sino? Si Mr. Advice na masyadong maepal kaya pumalpal ang misyon?
Oo nga’t positibong tapos na ang problema kay Marwan pero, hindi sapat ang nangyaring 44 SAF ang nalagas.
Kaya dear honorable Senators, hindi naman kayo bobo at lalong hindi naman kayo tanga, sa mga pagtatanong ninyo nitong nakalipas na tatlong araw, batid na ninyo kung sino ang mga mananagot, ‘di po ba? Kaya ano pa ang hinihintay ninyo?
Gawin na ang dapat gawin na matagal nang hinihintay ng mga iniwang mahal sa buhay ng SAF 44.
Kasuhan na ang mga opisyal na responsable o di kaya armasan at solo silang makipaggiyera laban sa BIFF. Tingnan lang natin ang galing nila.
Anyway, linawin natin, bagama’t masasabing mission accomplished ang operasyon na isinagawa ng SAF lalo na ang mga nakipaglaban kabilang ang 44 heroes, masasabing palpak pa rin ito dahil nalagasan tayo ng 44 pulis pero kung sana’y umayos ang mga opisyal na nasa likod ng operasyon, marahil ay hindi ganito karami ang nalagas.
Ang mahirap kasi nito, inuna o inisip muna ni Mr. Epal na maging pogi siya dahil sirang-sira na ang imahe niya, kaya hayun kawawa naman ang 44 SAF natin.
***
Abangan sa susunod na araw ang katarantaduhang pinaplano ng ilan matatas na opisyal ng SSS hinggil sa pagpapagawa ng member ID ng SSS.
Para sa inyong komento, suhestiyon, at reklamo, magtext lang sa 09194212599.