BIGO SI SGT. TOM NA MAKITA ANG MISIS PERO NAKAUSAP NIYA ANG MAGULANG NI SGT. RUIZ
Naalala ni Sgt. Tom ang asawang si Nerissa. Dahil sa gayong balita ay tiyak na nag-aalala na ito sa kalagayan niya. Mula sa bus station ay nagtaksi siyang pauwi. Ibig niyang makausap nang sarilinan ang kanyang misis. Pero nang malapit na siya sa kanilang bahay ay natunugan niyang may spotter na aali-aligid doon. At napansin din niya ang pagrerekorida ng isang mobile car ng pu-lisya. Tama ang kanyang hinala na nakaalarma na sa iba’t ibang ahensiyang tagapagpatupad ng batas ang pagiging isang wan-ted niya.
Hindi itinuloy ni Sgt. Tom ang balak na makapiling kahit sandali ang kanyang asawa at anak. Nagpahatid na lamang siya sa bahay ng nanay at tatay ni Sgt. Ruiz. Sa mga oras na iyon ay pihong saklot na ng matinding pagdadalamhati at nagugulumihan pa ang mga magulang ng kanyang ka-buddy sa mga pangyayari. Kinakailangan niyang maipaliwanag ang lahat-lahat upang mali-nis ang pangalan ng kaibigang pulis sa mga gawa-gawang akusasyon ng pangkat ni General Policarpio na kagrupo ng sindikato. Gayunma’y hindi niya ibinulgar ang pa-ngalan ng heneral.
“’Yun pa ba ang gantimpala ng aming anak sa matapat na pagtupad sa tungkulin?” ang hagulgol ng ina ni Sgt. Ruiz na halos paos na ang tinig.
“At sa kamatayan pa ng aming anak ay niyurakan pa siya ng dangal…” paghihimutok ng ama ng kaibigan niyang pulis.
Dagdag na kalungkutan kay Sgt. Tom ang paghihinagpis ng mga magulang ng kanyang kaibigan.
“Hindi namin pinanghihinayangan na nauwi sa wala ang mga benepisyo sa pagiging isang pulis ng aming anak. Mas masakit para sa amin ang pangit na imahe na maiiwan sa kanyang kamatayan,” bulalas ng ina ni Sgt. Ruiz sa pagitan nang walang tigil na pagluha. (Itutuloy)
ni Rey Atalia