NASA posisyon ngayon si Floyd Mayweather na hindi puwedeng umayaw sa hamon ni Manny Pacquiao.
Kaya nga lahat ng kilos niya ngayon ay parang nagpapakita siya ng tapang.
Una’y nang hamunin niya si Pacman ng bakbakan sa May 2. Sa puntong iyon ay mukhang nakuha na naman niya ang atensiyon ng boxing world.
Pangalawa nang magkita sila ni Pacquiao sa laban ng Miami Heat. Doon ay muli niyang inulit na interesado siya na labanan talaga si Pacman.
He-he-he. Mukhang pakitang-tao lang iyon ni Mayweather para mapagtakpan ang kanyang karuwagan.
Kungdi ba naman—ang mga ayudante naman niya sa negosasyon ang gumagawa ng paraan para makakita ng butas sa nangyayaring negosasyon sa kampo ni Manny Pacquiao.
Tipo bang ginagawa nilang usaping “legal” ang magiging dahilan ngayon ni Mayweather para umatras muli sa ikinakasang bakbakan nila ni Pacman.
Mukhang ginagawa nilang “scapegoat” ay si Bob Arum.
Hindi nga naman matuloy—bida pa si Mayweather.
Anak ng baka. Kung talagang gustong lumaban ni Floyd, kumasa na siya. Dami pa niyang dahilan.
Samantalang nagpahayag na si Manny na lahat ng demands ni Floyd ay payag siya. Ano pa ba ang hinahanap nilang iba pang demands?
0o0
Hindi “malusog” para sa lokal na industriya ng karera ng mga kabayo ang nangyayari sa tatlong karerahan ng bansa.
Ilang racing days na masyadong “one sided” ang nagiging line up ng karamihan ng races na inihahain sa bayang karerista.
Masyadong angat ang isang kabayo na inililinya sa mga kalaban. Sabi nga ng isa sa mga club announcers: super-mega-outstanding… nangangahulugan iyon na nasa kanya ang lahat ng benta.
Ikanga ng isang miron ng karera doon sa amin—kung inaakala ng mga handicappers na mapapatay nila ang iligal na bookies sa pamamagitan ng pagkasa ng mga one-sided na laban, nagkakamali sila. Mas lalong lalakas daw ang bookies dahil taya doon ang porsiyento. Sa isang daan daw na taya ay nangangahulugan iyon ng siyento beinte na taya. 20% ang patong sa orihinal na taya. Kung susumahin—mas malaki ang tatamaan sa bookies kesa sa legal na tayaan.
May isa naman tayong nakausap na racing aficionado na galang-gala sa tatlong karerahan ng bansa na nagsabing kung kaya inilalagay ang isang angat na kabayo sa mga walang kuwentang laban ay para masiguro ang panalo nito.
Dagdag ng source nating ito (na hindi matatawaran ang koneksyon sa mga kuwadra at opisyal ng karerahan) na binibigyan daw ng pabor ng mga handicappers ang ilang horse owner dahil sa padulas?
Kaya nga binibigyan daw ng madaling laban ang mga may malalaking padulas?
Aba’y totoo kaya ang ibinatong impormasyon na ito?
Tinatawagan natin ng pansin ang masisipag na opisyales ng Philracom para magkaroon ng masusing pagrerebisa ng mga ginagawang line-up na pumapabor sa ilang horse owner.
ni Alex L. Cruz