Ochoa, Resign!
hataw tabloid
February 11, 2015
Opinion
KADUDA-DUDA ang pagkawala ng pangalan ni Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa, Jr., bilang hepe ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isyu ng FALLEN 44.
Dalawang insidente na ng ‘masaker’ lumutang ang PAOCC ni Ochoa, una sa Atimonan masaker noong 2013 at ang FALLEN 44 nitong Enero 25.
Sa kaso ng Atimonan masaker, kinasuhan at ikinulong ang namuno sa operasyon na si PNP Supt. Hansel Marantan dahil sa pagkamatay ng 13 katao sa inilunsad na Oplan Armado na alam daw ni Ochoa, sabi ni Supt. Glenn Dumlao na kasama sa operasyon.
Habang sa FALLEN 44 naman ay napaulat na bukod kay PNoy, sina Ochoa at Purisima ang nakaaalam ng Oplan Exodus sa Mamasapano.
Sa unang President’s message ni PNOY hinggil sa FALLEN 44, inabsuwelto niya agad ang sarili, maging sina Ochoa at Purisima at sinisi ang sinibak na SAF chief na si Chief Supt. Getulio Napeñas.
Matapos ang mahigit dalawang linggo, sina PNoy, Purisima at Napeñas na lang ang nasa isyu ng FALLEN 44, nawala na si Ochoa bilang “the other Palace official” sa Oplan Exodus na umano’y nagsabing: “neutralize’ terrorist forces.”
Kung dalawang kaso na ng masaker ang kinasasangkutan ng PAOCC ni Ochoa, hindi ba makatarungan lang na mag-resign na siya dahil halatang-halata na wala siyang sapat na kasanayan sa anti-crime operations?
Maaaring hindi siya magbibitiw bilang PAOCC chief, lalo na kung ito ang payo sa kanya ni BFF at law partner na si Atty. Edward Serapio, ang Secretary to the Mayor ni ousted president, convicted plunderer at “supreme cash mayor” Joseph ‘Erap’ Estrada sa Maynila.
Bakit nga naman siya magre-resign, gayong si Erap bilang PACC chairman noong panahon ni FVR ay puro “rubout” din ang sinabitan pero hindi naman nakonsensiya at nagbitiw.
Mukhang kung papipiliin ay mas gugustuhin pa ni PNoy na siya mismo ang mag-resign kaysa sipain si Ochoa.
“Collateral Damage” ang Fallen 44
MARAMING kuwestiyon ang kailangang masagot sa madugong enkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng mga miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) – ang tinaguriang FALLEN 44.
Una na ang sinseridad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na lumagda sa peace pact sa administrasyong Aquino kasunod ng Mamasapano incident.
Kung may intelligence report na matagal na palang nagkukuta sa area ng MILF ang mga teroristang sina Marwan at Usman, bakit hindi sila isinusuko sa gobyerno alinsunod sa nakasaad na responsibilidad ng MILF sa peace agreement?
Bakit hindi rin hiniling ng gobyerno na isuko muna ng MILF ang lahat ng teroristang nasa kanilang “controlled area” bago lumagda sa peace agreement?
Ito ba’y pinabayaan lang dahil kapag isinuko ang mga teroristang may patong sa ulo, gaya nina Marwan at Usman, ay walang makakukubra sa reward na iniaalok ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na milyon-milyong dolyar?
Walang duda na may pananagutang kriminal ang MILF sa Mamasapano incident, ang tanong lang ay kung palalagpasin lang ba ito ng administrasyong Aquino para masungkit ni PNoy ang pinakaaasam na Nobel Peace Prize.
Kapag ganito ang kalakaran, lumalabas na “collateral damage” ang FALLEN 44 sa pagnanasa na makubra ang $5-M reward sa ulo ni Marwan at paglalaway ng Palasyo na maging Nobel Peace Prize awardee si PNoy.
Kaya naman pala marami ngayon sa hanay ng PNP ang imbes tuparin ang kanilang tungkulin bilang mga alagad ng batas ay nagsisilbi na lang protektor ng mga sindikato at kriminal.
Sec. Ramon Paje ng DENR: Empleyado mo, ayusin mo!
“Sir Percy Lapid, my idol, please… batid ko na hindi n’yo na ito tungkulin, ngunit naawa lang ako kay OFELIA B. VELOIRA, ngayon ay wala ni pambili ng gamot na Metformen at Amlodipine. Sana matulungan n’yo siya. Pakiparating kay Sec. Ramon Paje ng DENR. 30 years siya sa DENR main office, former admin officer IV at consultant. 14 Plant Industry Road 10, Project 6, Quezon City, corner Visayas Ave., near DENR main. Sinoman tanunging empleyado, hinahangaan siya, ni piso ay hindi nangurakot. Marami natulungan, marami naipa-promote. 67 years old na palubog na ang araw. Nais ko na lumigaya man lang. Di siya napansin ng gobyerno, karapat-dapat siyang parangalan ng honesty and loyalty, super generous. Ang ikinalulungkot ko, di napansin. Dati niyang boss si Gen. Angelo Reyes. Investigate to prove. Please help ma’m OFELIA VELOIRA. Sana ang text na ito ay maiparating kay Sec. Paje, bihira na ang tulad niyang government employee. Kasama siya ni Sec. Angelo Reyes na gumawa (nag-akda) ng Revised DENR Employee Handbook noong 2006.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])