‘Fixers’ sa Bistek Ville sa QC?
hataw tabloid
February 10, 2015
Opinion
ANO ba itong sinasabing Bistek Ville sa Quezon City?
Isa po itong pabahay sa mga mamamayan ng Quezon City. Proyekto ito ng Ama ng Lungsod na si Mayor Herbert “Bistek” Bautista.
Pabahay – low cost housing para sa mga idinemolis na bahay sa squatters area sa lungsod. Ayos pala ang proyektong ito ha. Magkakabahay na ang mga masasabing walang tirahan sa lungsod.
Matagal-tagal na rin ang proyekto – katunayan ay hindi lamang isang lugar sa lungsod makikita ang Bistek Ville kundi hanggang Bistek Ville 5 na yata ito.
Congrats po Mayor Bistek sa inyong proyekto at pagmamahal sa mga kababayan nating kapos palad na walang matirahan pero ngayon ay masasasabing mayroon na silang sariling bahay.
Payment yata sa pabahay na ito kundi tayo nagkakamali ay thru Pag-IBIG.
Ngunit ano naman ang sumbong sa AKSYON AGAD, pinagkakaperahan daw ang pabahay o ang proyekto ni Bistek ng ilan kawaning may hawak ng nasabing project.
Tawag sa kanila ay parang “fixers” daw – kumikita nang hanggang P30,000 to P60,000 sa mga interesadong kumuha ng unit/pabahay. Partikular na pinagkakakitaan nila ang mga interesadong kumuha na hindi naman nakatira sa squatters area na idinemolis.
Ganito raw ang siste ng mga fixer kasabwat ang ilang kawani ng QC hall na incharge sa Bistek Ville.
May mga vbeneficiary (ng Bistek Ville) kasi na hindi daw nila kaya bayaran ang amortization ng pabahay kaya kaysa layasan na lamang ito nang basta-basta ay kanilang ibinebenta sa mga interesado pero hindi ganoon kabilis ang pagbenta nito.
Oo sa pagkakaalam natin, hindi ito puwede ibenta sa ‘tagalabas’ at sa halip ay para sa beneficiaries o mga madedemolis lang.
Kaya para malusutan ang city government (o si Mayor Bistek) ng mga umaatras sa Bistek Ville – tawag sa mga umaatras na ito ay “professional squatters,” nakikipagsabwatan sa ilan kawaning incharge sa pabahay.
Sa sabwatan ng dalawang partido, kahit alin sa dalawa ang makahanap ng interesadong buyer, hihingan nila ng P30,000 hanggang P60,000. Wala po itong resibo. Inuulit ko, wala po itong resibo. Ibig sabihin ay labas dito ang city government. Oo walang kinalaman ang city government ngunit ilan sa mga kawani ng City Hall na incharge ang nasa likod ng ganitong klaseng bentahan.
Ang nasabing halaga ay para sa proseso ng dokumento… palulusutin at gagawin ang lahat ng papeles para mailipat ito sa pangalan ng interesadong buyer. Isa sa estilo ay palalabasing nakatira sa idinemolis na isang squatters area o ‘di kaya, mananatili sa pangalan ng beneficiary pero magkakaroon sila ng kasunduan with the blessing ng mga kasabwat sa loob.
Ganoon daw kamahal ang singilan dahil marami-rami silang maghati-hati rito. Siyempre ang isa sa numero unong makikinabang ang totoong beneficiary (sana) na nagbenta ng kanyang rights sa unit. Habang ang ilan ay tagaloob ng City Hall.
Mayor Bistek, ginagawa mo na nga ang lahat para sa mga kababayan natin, aba’y sadya yatang hindi maiiwasan na mayroon mga bandido. Ano pa man, puwede pa ang estilong ganito – bentahan ng pabahay mo?