NALIMUTAN NI TOM ANG DEMOLISYON HABANG NAGHAHANDA SA DRUG BUST OPS
Ang poproblemahin niya kapag nagkaga-yon ay pambayad sa apartment – pang-down at pang-advance payment.
“’Wag mo nang pasakitin ang ulo mo, Sweetheart… Ako’ng bahala, ha?” pang-aalo niya sa asawa.
“Ako’ng bahala, akong bahala! Puro ka ganyan… Baka mamaya, sa kalye tayo ma-tulog ng anak natin, ha? Naku, Tomas, tatamaan ka sa akin!” ingos nito sa kanya.
Kung tutuusin, ang palugit na dalawang buwan ng may-ari ng lupa para sa pagsasagawa ng demolisyon ay masyadong maikli para sa mga taga-iskwater. Karamihan kasi sa kanila ay walang salapi upang agad-agad makabili ng lupa at bahay o kahit mangupahan na lang. Pero bunga ng kaabalahan ni Sgt. Tom sa pagmamanman at pagtugis sa malalaking sindikato ng droga ay nawala agad sa isip niya ang tungkol sa pagpapalayas ng may-ari ng lupa sa inookupahan nilang lote.
“Tumawag ang asset ko, Bro… Bulto-bultong droga raw ang ide-deliver sa araw na ito ng sinu-surveillance nating sindikato,” pagbibigay-impormasyon ni Sgt. Tom kay Sgt. Ruiz.
“Alam na ba ni Hepe ang tungkol d’yan, Bro?” ang maagap na usisa ng kanyang ka-buddy.
“Naiparating ko na sa kanya, Bro… At bumuo na siya ng isang team na magsasagawa ng entrapment,” paliwanag niya sa kabaro.
“Malaking trabaho ang haharapin natin, Bro… Ibig sabihin, tataya tayo nang todohan mamaya,” anitong may pahiwatig ng agam-agam.
“Ganu’n nga, Bro…” tango niya sa kasamahang pulis. “God bless us!”
At nakipagkamay siya nang mahigpit sa kaibigan.
Ayon sa tipster, dakong alas-tres ng hapon ay isang malakihang drug transaction ang isasagawa sa loob mismo ng isang popular na memorial park sa Kyusi. Karo umano ng patay ang gagamitin sa transportation ng droga at may ilan pang tiwaling pulis ang mag-eeskort sa mga tauhan ng sindikato. Dakong alas-dos lang ay naroon na sa bisinidad ang raiding team ng pinagsamang puwersa ng pulisya, NBI at PDEA. (Itutuloy)
ni Rey Atalia