Sino ang papalit kay Ms. Grace Pulido-Tan sa COA?
hataw tabloid
February 5, 2015
Bulabugin
WALA pang lumulutang na mga pangalan kung sino ang susunod sa nag-retirong chairperson ng Commission on Audit (COA) na si Ms. Grace Pulido-Tan.
Kung sino man ang susunod kay Ms. Pulido-Tan, na nakatakdang magsilbi sa loob ng pitong (7) taon, tinitiyak natin na ang unang kata-ngian ay mapagkakatiwalaan at kinakailangang tapat sa Aquino administration.
Ito ang rekesitos na kailangan ng administrasyon ni PNoy lalo na’t hindi pa sila nakatitiyak kung ang kampo pa rin nila ang magwawagi sa 2016 elections.
Hindi ba’t d’yan maraming sumasabit kapag wala na sila posisyon?!
Nabubusisi ang libro de cuenta at doon nakikita kung paano ginamit ng isang administrasyon ang pondo ng bayan.
Malamang, kung hindi sa Balai ‘e sa Samar Group kunin kung sino man ang papalit kay Ms. Pulido-Tan.
Iba na kasi ang politika sa bansa ngayon. Kung noon ay bulok, ngayon ay bulok na bulok na bulok na bulok na…
Nagnanaknak na ang kultura ng venganza sa hanay ng mga politiko. Hindi lamang pagtataas ng bandera ng mga partido politikal ang pinaglalabanan ngayon sa pag-upo sa Malacañang kundi maging ang venganza at pagpapakulong sa sinusundang presidente.
Hindi na tayo magtataka kung dumating ang panahon na ang mga politiko ay takot nang tumakbo sa pagka-presidente (gaya sa Belgium at France) dahil alam nila na sa pagtatapos ng kanilang termino sila ay kakasuhan at itatapon sa kalaboso.
Kaya hindi na tayo nagtataka kung maniguro ang administrasyon ngayon kung sino ang iuupo nila sa COA at sa iba pang ahensiya ng pamahalaan na krusyal ang gagampanang papel para matiyak na sila ay ligtas sa ano mang asunto kapag wala na sila sa puwesto.
Again, this is Philippine politics.