ni James Ty III
NAGPAHAYAG ng interes ang head coach ng Gilas Pilipinas na si Tab Baldwin na kunin sina Kiefer Ravena at Bobby Ray Parks para pangunahan ang national team na hahawakan niya sa SEABA at Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo.
Ang problema nga lang, ayon kay Baldwin, ay sasabay ang dalawang torneo sa PBA D League at ang mga pre-season na torneo ng mga pamantasang kasali sa UAAP at NCAA.
Naglalaro si Parks ngayon sa Hapee Toothpaste sa PBA D League samantalang si Ravena naman ay nasa huli niyang season sa Ateneo Blue Eagles sa UAAP.
Kaya humiling si Baldwin sa tournament director ng D League na si Eric Castro at ang mga opisyal ng UAAP at NCAA na tulungan siya sa pagpapahiram ng mga manlalarong makakasama sa national team sa dalawang torneong nabanggit.
“We will try to get as much help from D-League teams and college teams in making their players available as much as possible so we can be strong as we can possibly can,” wika ni Baldwin na head coach din ng national team ng PBA na lalaro sa FIBA Asia Championships ngayong Setyembre sa Tsina. “I expect meetings in a week or two. Obviously, we will look at the pool that SBP has selected and see if we want to make changes.”
Sina Ravena at Parks ay bahagi ng mga national teams na nanalo ng ginto sa SEA Games noong 2011 sa Indonesia at 2013 sa Myanmar.