BAD start ito para sa Barangay Ginebra at marami ang nalulungkot na ang paborito nilang koponan ay nasa ibaba ng standings matapos na makalasap ng dalawang sunod na kabiguan.
At kung titignang maigi, ang mga pagkatalong sinapit ng Gin Kings ay kontra sa mga koponang hindi naman talaga powerhouse at maituturing na mas mababa ang kaledad kaysa sa kanila kung ang standings sa nakaraang Philippine Cup ang pagbabasehan.
Una’y dinurog sila ng Meralco Bolts, 85-74 sa pagbubukas ng torneo noong Enero 27.
Pagkatapos ay naungusan sila ng Barako Bull, 69-68 noong Linggo sa kanilang pagkikita sa Alonte Sports Center sa Binan, Laguna.
So ano ba iyan? Ano ba ang diperensiya?
Pinalitan na ang kanilang coach na si Jeffrey Cariaso na lumipat sa Alaska Milk bilang assistant ni Alex Compton. Si Renato Agustin ang humalili sa kanya.
Pinalitan ni Agustin ang triangle offense gaya ng kahilingan ng mga malalaro at ibinalik sa run-and-gun.
Datihang import ang kinuha nila sa katauhan ni Michael Dunigan, na maganda naman ang naging performance nang una siyang naglaro sa Air 21 (ngayon ay NLEX).
Ano pa ang kulang?
Pasensiya na lang siguro.
MInalas lang sila kontra Barako Bull dahil na-food poisoning si Dunigan at hindi nakapaglaro nang maayos. kung naging maganda ang kanyang performance, malamang na nagwagi ang Gin Kings.
Kaya naman hindi pa rin sumusuko si Agustin. Alam niyang lalabas ang tunay na asim ng kanyang mga bata at aabot din sila sa kanilang target.
ni Sabrina Pascua