Animo’y isang sibat kung rumemate ang kabayong si Buhawi na sinakayan ni Dudong Villegas sa isang Special Handicap Race na naganap nitong nagdaang Martes sa pista ng Metro Turf.
Sa largahan ay halos sabay-sabay na lumabas mula sa aparato ang pitong kalahok sa laban at karamihan sa nakalaban ay nagmamadali na makapuwesto ng maaga, kaya naman si Dudong ay bahagyang pumigil muna dahil sa baka matilapon siya ng husto sa labas.
Sa medya milya ay may limang kabayong agwat ang nauunang si Vice Chancellor at halos magkakalapit lang ang anim na nakasunod. Bago pa man mag-tres oktabos ay gumalaw na si Dudong sa gitnang posisyon niya at agaran naman nagresponde si Buhawi. Kaya pagpasok sa ultimo kuwarto ay nakuha na nila ang segunda puwesto at parang sinisibat papalapit sa nauunang kalaban.
Pagsungaw sa rektahan ay walang anuman na inagaw nina Dudong ang bandera at lumayo pa ng may mga anim na kabayo sa pumangalawang si Masmasaya Sa Pinas.
Naorasan ang karerang iyan ng 1:28.6 (13′-22′-24-28′) para sa 1,400 meters na distansiya.
ni Fred L. Magno