ni Tracy Cabrera
PLANONG magsagawa ng malaking event ang pinakamalaking mixed martial arts organization sa mundo rito sa Filipinas.
Ayon sa report ng Combat Press, target ngayon ng Ultimate Fighting Championship (UFC) na magsagawa ng kauna-unahan nilang laban dito sa bansa sa Mayo 16—malamang sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Matagal nang tina-target ng promotion ang isang event sa Filipinas sa nakaraang ilang taon at ngayon nagbunga na ang plano para rito,” pahayag sa na-sabing ulat.
Kung matutuloy ito, inaasahang papasok sa fight card ng UFC ang mga sikat na Pinoy fighter ng Team Lakay na sina Roldan Sangcha-An at Mark Eddiva at maaaring i-headline ito ni Pinoy Wreaking Machine Mark Munoz.
Sa paglahok ng tatlo, ang card ay maaaring itakda bilang Fight Night variety para sa UFC.
“Inaasahang magkakaroon ng official announcement mula sa UFC tungkol sa pinaplanong event, pati ang mga detalye ng fight card,” pagtatapos sa report.
Sa mga nakalipas pang mga ulat, binanggit si UFC Vice President of International Business Development Joe Carr na nagsabing magsasagawa ang UFC ng tatlo hanggang apat na event sa Asya ngayong taon. Isa sa mga nabanggit na bansa ang Japan at may posibilidad din sa Macau.
Dumalaw ang UFC sa Singapore nitong nakaraang taon ngunit umakit lamang ito ng 5,216 fans—hindi tulad ng ina-asahan sa Filipinas, na kinagigiliwan din ang sport ng maraming mga Pinoy.