Kinalap ni Tracy Cabrera
TATLONG turista ang inaresto ng lokal na awtoridad dahil sa pagkuha ng sariling mga larawan habang nakahubad sa sagradong Angkor temple complex sa Cambodia.
Nadiskubre ang tatlong lalaking turista na nagmula sa France sa loob ng Banteay Kdei temple sa world heritage site, ayon kay Chau Sun Kerya, tagapagsalita ng Apsara Authority—ang ahensya ng pamahalaang nangangasiwa sa Angkor complex.
“Ang tempo ay worship site kaya hindi nauukol ang kanilang ginawa. Nakahubo’t hubad sila,” paliwanag ni Kerya sa pagkakadakip sa tatlo.
Kinompirma naman ni Keat Bunthan, senior heritage police official sa northwestern Siem Reap province, na inaresto ang mga turista dahil maraming mga kababayan nila ang nabastos sa kawalan nila ng respeto sa kanilang kultura at paniniwala sa pananampalataya.
“Ang ginawa nila’y nakaapekto sa aming kultura. Walang dapat kumuha ng mga hubad na larawan sa mga sinaunang templo,” wika ni Bunthan sa AFP.
Sinabi naman ng Apsara Authority na sa isang pahayag, inamin ng tatlong Frenchmen ang kanilang pagkakamali.
Mahaharap sa dalawang kaso ang tatlo, public exposure, na may kaparusahang anim na buwang pagkabilanggo at multang US$120, at pornograpiya na isang taon naman ang pag-kabilanggo at multang US$500.
Nahuli ang mga turista ilang araw lang makalipas na maging viral sa online ang serye ng mga huhad na larawan ng ilang kababaihan na nagpakuha sa ilang templo sa Cambodia.