HINDI na matutuloy ang laro ng Alaska at North Luzon Expressway sa PBA Commissioner’s Cup sa Sabado sa Polomolok, South Cotabato.
Kinansela ni PBA Commissioner Chito Salud ang biyahe ng liga sa Polomolok dulot ng naging bakbakan ng mga pulis kalaban ang tropa ng rebeldeng Muslim sa Maguindanao na nagresulta sa pagkamatay ng 44 na pulis noong isang linggo.
“In light of the recent encounter between police commando and separatist forces in Maguindanao, as well as the heightened security risks and threats posed by continuing insurgent activities in proximate areas, the Office of the Commissioner deems it prudent to cancel the PBA game scheduled in South Cotabato on Feb 7, 2015,” ayon sa pahayag ni Salud.
Ang larong iyon ay ililipat sa The Arena sa San Juan sa Sabado pa rin simula alas-5 ng hapon at ipapalabas ito nang live sa TV5.
Huling naglaro ang PBA sa San Juan Arena noong Hunyo 26, 2011 sa Governors Cup kung saan tinalo ng Alaska ang Air21, 98-84 at tinambakan ng B Meg (ngayon ay Purefoods) ang Meralco, 104-92.
Samantala, inaasahang darating ngayon ang import ng Purefoods na si Daniel Orton mula sa Tsina pagkatapos na hindi nakapasok ang kanyang koponan sa playoffs ng Chinese Basketball Association. (James Ty III)