Good Riddance Comelec ‘3M Division’ (I-Lifestyle check na ‘yang mga ‘yan!)
hataw tabloid
February 4, 2015
Bulabugin
PARANG biglang nabunutan ng tinik ang mga taga-Commission on Elections (COMELEC) nang magretiro ang chairman at dalawang commissioner kamakalawa.
Talagang parang nagpipiyesta ang mga empleyado?!
Ibig sabihin talagang walang natutuwa sa iyo d’yan Sixtong ‘este’ Sixto Brilliantes.
‘Yang dalawang kasama mo lang na nagretiro na rin ang natutuwa lang ‘ata sa iyo!
Sabi nga ng mga empleyado, pati sila nadadamay sa katakot-takot na kontrobersiyang kinasangkutan ng mga ‘bossing’ nila. ‘Yun bang tipong kung ano ang ginagawa ng 3 Million Division ay ginagawa rin ng lahat ng mga taga-Comelec.
Hindi ba’t sa ilalim ng administrasyon ng kareretirong chairman na si Sixtong este Sixto Brillantes pumutok ang eskandalo ng 3M Division?
Ito ‘yung hinihingan ng mga nagpapakilalang ‘kasador’ nila ng P3 milyones ang mga people’s organization na gustong makilahok sa party-list system.
Kaladkad ang pangalan ni Sixto rito kasama sina Commissioners (nagretiro na rin) Lucenito ‘Sugpo’ Tagle at Elias Yusoph.
Ang matindi, humirit pa ng ‘pabaon’ si Sixtong nang pirmahan ang ‘midnight deal’ sa kompanyang SMARTMATIC para muling hawakan ang eleksiyon sa 2016.
Kundi ba naman, saksakan nang walanghiya talaga! Kakaiba ka talaga, retired Chairman Sixtong este Sixto Brillantes!
Para kang hindi natatakot sa KARMA.
Hayun, sapol agad! Inabsuwelto ng Pasay City regional trial court (RTC) ang dalawang kasong pandaraya sa halalan na isinampa niya laban kay dating Chairman Benjamin Abalos, Sr.
Nasupalpal ka riyan Sixtong este Sixto!
Hindi n’yo nga iniresolba ‘yung reklamo ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) na ‘pangingikil’ ng P3-milyon ng isang tauhan ninyo na uma-ming staff siya sa tanggapan ni Yusoph.
‘Yung lunch date nina Yusoph at Sugpo ‘este Tagle kay dating Speaker Arnulfo Fuentebella sa Diamond Hotel na pagkatapos ng tanghalian ay pinabaunan sila ng maliit na ‘paper bag’ na ang laman umano ay pili nut.
Pili nuts ng – – – n’yo!!!
Ilan lang ‘yan sa mga kawalanghiyaan ng 3M Division na tayo lang ang may lakas ng loob na ilabas.
‘E paano ‘yung mga hiningan at nagbigay na hindi nabuyangyang sa publiko?!
Para sa ‘kapakanan’ ng tatlong retiradong Comelec official na ‘yan, palagay natin ‘e kailangan nilang isumite ang mga sarili nila sa “LIFESTYLE CHECK.”
‘Yan ‘e kung talagang gusto nilang magretiro na panatag ang kanilang mga kalooban.
‘E kung hindi naman sila magsusumite sa lifestyle check, ‘e tatawagan na natin ng pansin ang Commission on Audit at Civil Service Commission, kung sino man ang papalit sa mga nagretirong chairpersons Grace Pulido-Tan at Francisco Duque III.
Paging Ombudsman Conchita Morales-Carpio at Internal Revenue Commissioner Kim Henares — busisiin ang 3M Division!