Saan napunta ang 50 percent ng P1.919 Bilyong kita ng PCSO? (Officials and employees daig pa ang tumama sa Lotto)
hataw tabloid
February 3, 2015
Bulabugin
USAP-USAPAN ngayon na ang mga opisyal at empleyado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay hindi ka kailangan tumaya sa LOTTO para makatsamba ng suwerte.
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), hindi ipinasok ng PCSO sa National Treasury ang P959.5 milyones na kinita nito noong 2012 mula sa pasampu-sampung pisong taya ng taong umaasa na susuwertehin sila sa loteryang pinatatakbo ng gobyerno.
Imbes ipasok sa National treasury, inuna pa umano ng mga opisyal ng PCSO na maglaan ng P202 milyones para sa kanilang mga bonus at allowances.
Ayon sa COA, ang ipinamahaging mga bonus at allowances para sa mga opisyal at empleyado ng PCSO ay maaaring lampas sa itinatakda ng compensation laws, rules and regulations o kaya ay hindi aprobado ng Pangulo.
Ang hindi pagre-remit ng PCSO sa National Treasury ng kalahati ng P1.919 bilyong kinita nila ay malinaw na paglabag umano sa Section 3 Republic Act 7656 (government-owned and controlled corporations (GOCCs) must declare and remit at least 50 percent of their annual net earnings as cash, stock or property dividends to the national government).
What the fact, PCSO Chairman Rojas!?
Aba hindi biro ‘yang kalahati ng P1.919 bilyon (o P959.5). Malaking halaga ‘yan na dapat pakinabangan ng sambayanan.
Mantakin ninyong marami tayong kababayan na naghihikahos, walang sariling bahay, hirap magpaaral ng mga anak, hindi makapagpagamot kapag maysakit, at walang hanapbuhay, pero ‘yung mga opisyal at empleyado ng PCSO namumunini sa pondong hindi naman nila dapat solohin?!
Hindi man lang ba kayo kinikilabutan!?
‘Yang pondo ninyo ay mula sa mga kababayan natin na umaasang sila ang makasasambot ng suwerteng mga numero sa Lotto kaya kahit huling sampung piso o bente pesos sa kanilang bulsa ay kanilang ipinakikipagsapalaran.
Madaragdagan pa ‘yang lotto games ng 6/58 na malamang ay maging prente na naman ng jueteng?! Hindi kaya bago matapos ang PNoy administration ay umabot pa sa 6/88 ‘yang loterya na gamit na gamit bilang prente ng jueteng?!
Tapos ang PCSO, basta na lang nagdesisyon na pagparte-partehin para sa kani-kanilang bulsa?!
OIC Chairman Jose Ferdinand Rojas II, sir, hindi ba’t napakaluwag ninyong magbigay ng milyon-milyon ads sa malalaking diyaryo, radio station at television network?!
Pero ‘yun mga humihingi ng medical assistance sa inyo ay pinagmumukha ninyong timawa sa dami ng rekesitos at pabalik-balik diyan sa opisina ninyo! Magbigay man ay wala pa sa 50 porsiyento ang inaaprubahan ninyong medical assistance!
Saan galing ang budget ninyo para riyan? Kasama ba ‘yan sa nawawalang P959.5?!
Totoo rin ba na mayroong mga ad agent na haping-hapi sa inyo kapag nabibigyan ninyo ng ad placement lalo na raw ‘yung malalaking entity dahil malaki rin ang kanilang komisyon?!
Paki-EXPLAIN nga OIC Chairman Joy Rojas!