KUNG PURO DAING ANG KANYANG MISIS MAYROONG ‘BUDDY’ SI SGT. TOM NA TUMUTULONG
Naging kaligayahan at kaaliwan nilang mag-asawa ang kaisa-isang anak na ibi-niyaya sa kanila ng langit. Pero bilang tesorera, awditor at tagapamahala ng sambahayan ay si Nerissa siyempre ang agad nakaaalam sa kalagayang pangkabuhayan ng kanilang pamilya.
“Ngayong kinder pa lang ang anak natin ay kinakapos na tayo… Paano kung mag-grade one na siya sa susunod na taon?” pagkukunot-noo nito makaraang sumakamay ang pay envelop ni Sgt. Tom.
“’Wag kang mag-panic, Sweetheart… Makararaos din tayo,” pagpapakalma niya sa asawa.
“Paano?” anitong napatitig sa kanyang mga mata.
“Ako’ng bahala, Sweetheart… Basta’t easy ka lang d’yan…” ngiti niya.
Naku, Tomas… Sampung taon ko nang naririnig ‘yan sa ‘yo… “pambabara sa kanya ni Nerissa. “Ayusin mong buhay mo!”
Hindi mahilig makipagtalo si Sgt. Tom sa kanyang asawa. Pero ginagawan naman niya ng paraan na malutas ang ano mang problema ng kanilang pamilya. Ang malimit niyang matakbuhan ay si Sgt. Ruiz na kanyang ka-buddy. Binata pa kasi, walang bisyo at luho sa katawan kung kaya napagkakasya nito ang buwanang sweldo. At nagtitiyaga itong mamasada ng FX taxi sa pagsa-sideline.
“Ang sipag mo naman pala, Bro…” puri niya kay Sgt. Ruiz.
“Ayokong pakanin nang ‘di galing sa parehas ang nanay at tatay ko. Baka kasi sumakit ang tiyan nila, Bro,” pagmamalaki nito.
“Paano, Bro? …Thanks ulit…” aniya sa pakikipagkamay sa kabaro.
“No problem, Bro… Basta’t kaya ko, magsabi ka lang,” anitong tumapik sa kanyang braso. (Itutuloy)
ni Rey Atalia