NAIA T-1 parang palengke sa gabi grabe!
hataw tabloid
February 1, 2015
Bulabugin
ISANG gabi nitong nagdaang linggo ay napadaan tayo sa NAIA terminal 1 at nagulat tayo sa nasaksihan natin na talo pa ang eksena sa palengke sa arrival curb side ng NAIA Terminal 1.
Sandamakmak ang transport solicitors at hotel representatives na nakabalandra sa exit gate ng arrival area. Napansin rin natin ang isang maliit na lalaking nakasalamin, wearing white polo shirt na may tatak na ASSI at nakita nating nagpipilit makakuha ng pasahero na may connecting domestic flight.
Ang pagkakaalam natin, may area ang mga nasabing airport worker na doon lamang sila dapat manatili.
Nagtataka tayo dahil ang iniaalok ng nakasalamin na lalaki ay tiket sa bagong dating na overseas Filipino worker (OFW) na taliwas sa kaniyang uniporme na ang dapat ilako ay transport service.
Transport services as in land transportation at ‘di air transportation!
Makulit ang lalaki dahil talagang sinundan pa ang naiiritang pasahero sa shuttle service station para ipilit ang pagbebenta ng tiket ng eroplano na alam naman nating may patong na malaking halaga.
Ang mga ganitong uri ng raket sa airport ay dapat nang matuldukan. Kawawa naman ang mga pasaherong kumakagat sa presyo nilang ‘taga.’ Perang pinaghirapan ay mapupunta lamang sa palad ng ganid nating kababayan.
Alam kaya ‘to ni Mr. Romy Sayawan, na may-ari ng ASSI?
Samantala, ang ilang hotel reps naman ay halos sumasalubong na sa mukha ng mga bagong dating na mga pasahero, kapwa local and foreign.
Okey lang sana ‘to pero makikita mo sa mukha ng mga newly arrived passengers ang pagkairita. Inaasahan nilang ang mga sundo nila ang sasalubong sa kanila pagdating at paglabas ng arrival lobby ngunit magulong eksena na parang palengke sa Navotas ang nagdadagdag ng stress sa kanilang biyahe.
T-1 terminal manager Dante Basanta, puwede bang huwag ka munang maaga matulog? Paki-aksiyonan mo ang problemang ito sa teritoryo mo!