14 hours si PNoy nakipag-usap sa pamilya ng SAF 44
hataw tabloid
February 1, 2015
Opinion
BUMAWI si Pangulong Noynoy Aquino sa mga pamilya ng SAF 44 na 24 oras ibinurol sa NCRPO Multi-purpose Center sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Umabot sa 14 oras ang pakikipag-usap ng Pangulo sa mga pamilya ng fallen commandos.
Nangako siya ng sapat na tulong at hustisya sa mga pamilya.
Sa ganitong punto, naibsan ang matinding himagsik sa kalooban ng mga naiwan ng SAF 44 na nasawi sa pagsisilbi ng arrest warrant sa dalawang high profile terrorist na nasa loob ng erya ng MILF nitong nakalipas na Linggo.
Oo, bumawi talaga si PNoy sa hindi nya pagsalubong sa arrivals ng SAF 44 sa Villamor Air Base nung Huwebes, dahil mas pinili niyang “makipagsosyalan” sa isang car show sa Laguna. Tuloy katakot-takot na batikos ang inabot niya lalo sa social media.
Ang problema na lang ngayon ni PNoy ang panawagan ng nakararami na suspendehin na muna ang pagsusulong sa Bangsamoro Basic Law sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at pamahalaan.
Paano ba ‘yan, Mr. President?
Abangan na lang po natin ang mga susunod na mangyayari sa napakasensitibong isyung ito.
Mabuhay ang Pilipinas… Dapat isang bansa, isang diwa, isang AFP at isang PNP!!!
***
Pakinggan natin ngayon ang damdamin ng mamamayan sa PNP-SAF 44:
– Joey, dito sa lungsod, ang mga ordinaryong kriminal hinuhuli, kinakasuhan at ikinukulong. Hindi nila pinapatawad lalo na kung murder ang kaso. Bakit ang mga kriminal sa gubat na pumupugot, kumakatay ng mga bihag kapag hindi binigay gusto nila e hindi hulihin, kasuhan at ikulong e mas mabigat ang krimen na ginagawa nila? Di yata patas ang pagtingin o trato ng gobyerno sa mga kriminal sa lungsod at gubat. Dito sa lungsod kayang kaya damputin ang mga kriminal, pero sa Mindanao takot sila. Dahil lumalaban ng ubusan ng lahi. Ano ang meron o dahilan bakit di nila malipol ang mga hayop na yan? At bakit mas magaganda ang mga sandata nila at mga bala kesa sa sandatahan natin? San galing yun? Bigay ng mga kakutsaba na mga opisyal at politiko? Ang wala nalang yata sa kanila e jet fighter, tangke at helikopter. Pano na kung meron pa silang ganyan? Luluhod na ang gobyerno natin? Bakla kasi ang pinuno, walang bayag. – Juan ng Tondo
– Ka Joey, dapat po ‘yung mga pulis-Maynila na abusado yun dapat dinadala sa Mindanao para dun nila ilabas yung mga tapang nila. Puro nalang kotong dito sa atin sa Maynila. Wala nang matinong pulis. Ultimo side car boy kinokotongan nila. Wala na silang awa. Ipambili nalang ng bigas mapupunta pa sa kanila. – 09284769…
– If the Americans remember the 300 defenders of the alamo, and the greeks their 300 spartan warriors, we have our fallen 44 police heroes who laid down their lives so that others may live – Ka Elo, ret. MPD officer and Manila City employee
– Joey, talagang binabalewala ni PNoy ang nangyari sa 44 SAF sa Mindanao. Dapat sa kanya mag-resign nalang. Kawawa naman ang mga pamilya nila. Dapat gawin ni PNoy ngayon ay gumawa ng batas na magbabawal na magtayo ng mga grupo tulad ng mga MILF, MNLF, BIFF, Abu Sayyaf at mga private army. Buwagin lahat nya ito. Sigurado akong tatahimik buong bansa. Kung ‘di nya magagawa, wag tayong magpauto sa mga terorista, traydor silang lahat. – Yolanda survivor of Samar
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015