ni Sabrina Pascua
HINDI kaya nanibago lang ang Barangay Ginebra Gin Kings sa pagpapalit ng playing style nila buhat sa triangle offense pabalik sa run-and-gun?
Mabilis lang ba talagang ipagpag ang dating sistema at yakapin ang bago?
Hindi natin masasagot iyan, e. Kahit paano ay may bakas pa ng luma na natitira. Hindi basta-basta maaalis.
Iyan ang gustong ayusin ni Renato Agustin na nagbabalik bilang head coach ng Gin Kings kapalit ni Jeffrey Cariaso. Magugunitang hinalinhan ni Cariaso si Agustin at tumagal lang siya ng dalawang conferences.
Actually, ang mga manlalaro mismo ng Barangay Ginebra ang humiling na si Agustin ulit ang humawak sa kanila. Kasi, tila ayaw nila sa triangle offense na isinusulong ni Cariaso.
So, dapat na ang mga manlalaro mismo ang siyang tumalima ng husto sa pinaiiral ni Agustin. Iyon kasi ang gusto nila.
Pero paano ba paiiralin ang run-and-gun kung walang ipinuputok ang mga guwardiya?
Iyon ang naging problema ng Gin Kings.
Sa dakong huli ay umasa na lang sila sa higanteng sentro nilang si Gregory Slaughter upang piliting makabalik sa malaking kalamangan ng kalaban.
Hindi nila nasustina ang kanilang rally na nag-umpisa sa third quarter na pinamunuan nina Jayjay Helterbrand at Josh Urbizton.
So, nawala ang run-and gun.
Well, unang laro pa lang naman iyon, e. May sampu pa para magtagumpay ang bagong sistema. Hindi sila dapat mag-panic kaagad!