Huli na nang matuklasan ko ang katotohanan sa aking pagkatao
Gaya ni Tatay Amado, hiniling din ni Nanay Donata kay Ka Nora na ipasunog ang kanyang mga labi. Tinupad iyon ng matandang babae. Ang mga abo nila ng tatay ko ay tinipon sa isang botelya at saka ipinadala kay Ka Dong sa Samar upang isaboy iyon sa karagatan ng Dolores.
Santambak na lumang aklat ang naipamana sa akin ni Tatay Armando. Ang naiwan naman ni Nanay Donata ang kalawanging ma-kinang panahi at ang baul na binubugbok na ng anay. Nakati-katihan kong kunin ang susi ng baul sa kahon ng makinang panahi ni Inay. Pinangahasan kong buksan iyon, dinukot sa bulsa ng tagiliran niyon ang naka-masking tape na envelop — ang brown envelop na ibinalibag sa mukha ng nanay ko ng mga armadong kalala-kihan na nanghalughog sa bahay namin noong ideklara ang Martial Law sa buong bansa.
Pulos dukomento ang naroroon. Mga orihinal na papeles iyon na nilagdaan at tinatakan ng selyo ng hukuman para sa legal na pag-ampon ng mag-asawang Armando Magdiwang at Donata Magdiwang sa isang kasisilang na sanggol. At ang nabasa kong pangalan na nakatala sa mga kasulatan ay nagngangalang “Karl Mark.” Ako iyon…
Napilitan si Ka Nora na ikuwento ang lihim ng aking pagkatao:
“Kasisilang mo pa lang at ‘di pa napuputulan ng pusod nang mapulot ka ni Ka Aries sa basurahan na malapit sa simbahan ng Santo Niño. Parang kuting kang itinapon doon ng isang walang-pusong ina. Mabilisan ka niyang dinala sa ospital dahil nagnanaknak ang mga butlig mo sa balat sa kagat ng mga lamok…
“Doon natuklasan ng doktor na mayroon kang pneumonia. Naawa sa iyo si Ka Aries dahil sa kalunos-lunos na kalagayan mo. Nag-usap silang dalawa ni Ka Onay at ipinasiya nilang dalawa na ampunin ka… At ituring na parang isang tunay na anak…
“Kung nagkulang man sa ‘yo si Ka Aries bilang isang ama, ‘yun ay dahil sa pag-aalay niya ng buong buhay sa kilusan… Dahil na rin sa pagmamahal n’ya sa mga katulad mo at sa lahat ng mga isinisilang na api sa ating lipunan…”
Nasabi ko noong minsan sa panlalait kay Tatay Armando na nagkataon lang ang pagi-ging ama niya sa akin. Pero nagkamali ako. Hindi pala totoong disgrasya lang na naging tatay ko siya dahil ginusto nila ni Inay na akuin ang mga res-ponsibi-lidad ng isang magulang sa pag-ampon sa akin.
Nahi-lam ng luha ang aking mga mata sa pagsisisi. Wala akong utang na loob! Mabuti pa ang isang aso na naging tapat sa nag-alagang amo…
(wakas
ni Rey Atalia