ni Sandra Halina
MALAKI ang respeto ni Alex ‘The Mauler’ Gustafsson—ang rising star ng UFC—sa ‘Pambansang Kamao’ Manny Pacquiao, at naniniwala na kaya siyang patulugin nito kung sakaling maharap siya sa Filipino boxing icon sa isang maalamat na laban.
“Hindi ko alam. Baka sa first round ma-knock out ako,” pahayag ni Gustafsson sa panayam at matanong tungkol sa ideyang makaharap ang Congressman ng Sarangani.
“Siya’y isang alamat,” dagdag pa ng UFC fighter.
Dating amateur boxing champion ng Sweden si Gustafsson bago pumasok sa mixed martial arts, at tunay na kinagiliwan niya ang ideyang makalaban si Pacman sa dalawang kadahilanan.
“Sa tingin ko hindi ito uubra. Nasa magkaibang larangan kami ng sports at magkaibang (timbang) class,” paliwanag niya sa pagtukoy sa weight class ni Pacquiao na isang welterweight, o may bigat na 147 libra.
Inamin ni Gustafsson, na umaangat ang antas makaraang muntik mapalugmok si UFC light heavyweight champion Jon Jones, na malaki ang kanyang respeto kay Pacquiao hindi lamang dahil sa galing sa boxing kundi dahil din sa kakaibang personalidad nito at pagkatao.
“Mas gusto ko ang pagkatao niya. Nag-iisa lang siya. Mahusay siyang boksingero,” aniya. May record si Gustafsson na 15 panalo—siya via KO—kontra sa dalawang talo sa loob ng octagon.
Ang huling pagkatalo niya ay nagbigay sa kanyang ng respeto mula sa UFC officials at fans dahil napabagsak niya ang kampeong si Jones.
“Komportable ako. I-yong huling talo ko ay hindi dahil sa aking wrestling,” ani Gustafsson, “Hindi ko nagawa ang dapat kong gawin.”
Nakatakdang labanan ni Gustafsson ang wala pang talong si Jimi Manuwa, na humalili kay Antonio Rogeiro Nogueira.