Sino ba ang dapat managot sa pagkamatay ng halos 50 miyembro ng PNP-SAF?
hataw tabloid
January 28, 2015
Bulabugin
NANINIWALA tayo na dapat paghusayin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pag-iimbestiga sa huling insidente ng ‘masaker’ sa mga miyembro ng Special Action Force – Philippine National Police (SAF-PNP) sa Mamapasano, Maguindanao.
Nagtungo ang mga miyembro ng SAF-PNP sa nasabing lugar para umano dakpin sina Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at Kumander Basit Usman ng Jemaah Islamiyah terrorist group na kapwa may patong na US$5 milyon sa gobyernong Amerikano.
Kung pagbabatayan ang mga retratong naglabasan sa social networking sites kung paano pinatay ang mga SAF-PNP members napakahirap maniwala na sila ay napatay sa labanan.
Ayon sa isang PNP senior official na ating nakahuntahan, kung totoong “official operations” ang sinadya ng SAF-PNP sa Mamapasano dapat umano na ito ay may ‘clearance’ mula sa Chief PNP o kaya ay mula sa Director for Operations ng PNP.
The next step, kung mayroon man silang clearance mula sa PNP chief, dapat silang makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo na’t hindi nila kabisado ang lugar.
Madaling araw (3:00 a.m.) nang pumasok ang SAF-PNP sa nasabing area na ‘teritoryo’ ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ang nasabing yunit ng SAF-PNP ay sinasabing elite force pero pinulbos lang ng MILF at BIFF!? Paanong nangyari ‘yun?
Ang mga napatay na miyembro ng SAF-PNP ay mistulang na-capture saka niratrat sa iisang lugar ba?
Pero ayon sa iba pang haka-haka, mukhang inipon sa iisang lugar ang mga bangkay at saka isa-isang hinubaran at ‘ninakawan’ ng mahahalagang bagay.
Mistulang ineskoba ang mga kagawad ng SAF-PNP na napatay na kinabibilangan ng lieutenant, captain, police major at isang colonel (superintendent).
Naganap ang insidente sa panahon na may nagaganap na peace agreement at negosasyon at binubuo ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na ipapalit sa organic act na lumikha sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Maraming dapat ipaliwanag at malinawan sa insidenteng ito na sa inisyal na pagtingin ay umiimbudo sa paghahangad na makuha ang US$5 milyong patong sa ulo ng dalawang JI at/o ideskaril ang pagsasabatas ng BBL?
Higit sa lahat, paano papanagutin nina SILG Mar Roxas at PNP OIC, Dir. Gen. Leonardo Espina ang mga responsable sa nasabing insidente?!
Ang pagkakapaslang ba sa halos 50 miyembro ng SAF-PNP ay magwawakas sa kasabihang “charge to experience?”
I’ll keep my fingers crossed!