EVM Self-Sustainable Resettlement Community serbisyong tunay ng Iglesia ni Cristo
hataw tabloid
January 28, 2015
Bulabugin
UNANG-UNA gusto nating papurihan at pasalamatan ang Iglesia Ni Cristo (INC) sa pakikituwang nila sa pamahalaan para sagipin at tulungang makabawi ang mga kababayan natin na sinalanta ng daluyong na Yolanda sa lalawigan ng Leyte noong Nobyembre 8, 2013.
Pagkatapos nang halos isang taon, naitayo ng INC ang isang self-sustainable community na kinabibilangan ng 500 kongkretong bahay na puwede nang okupahan, mayroong eco-farming site , isang garment factory, may fish-drying plant at mushroom facility na magbibigay ng trabaho sa mga residente.
Nitong Enero 23 (Biyernes), pinasinayaan na ang EVM Self-Sustainable Resettlement Community sa Sitio New Era, Barangay Langit, Alang-alang Leyte.
Kasabay ito ng ordinasyon ng 24 ministers sa isang special worship service na kinabibilangan ng isang South African, dalawang Japanese at isang German.
Hindi na tayo nagtataka na sa loob ng 100-taon existence ng INC ay nakapagpalawak na sila hindi lang sa bansa kundi maging sa iba pang bansa sa Asia, Africa at Europa dahil kitang-kita naman kung paano nila isinasabuhay ang turo ng kanilang Simbahan.
Isa na nga sa best example nito ang EVM Self-Sustainable Community.
Ayon kay INC Executive Minister Bro. Eduardo Manalo, ang proyektong ito, bagamat prayoridad ang kanilang mga miyembro, ay pakikituwang sa pambansang pamahalaan para tulungan ang ating mga kababayan na muling makabangon mula sa pananalanta ng bagyong Yolanda.
Hindi naman sa pagkokompara sa iba pang relihiyon o sekta o non-government organizations na nag-solicit pa para sa mga biktima ng Yolanda, pero gusto nating itanong, nasaan na ‘yung mga perang na-solicit ninyo!?
Unang-una nating nakita diyan na nakapagpatayo agad ng mga bahay ang Tzu Chi Foundation, Gawad Kalinga na ipinangalan kay Pope Francis ang kanilang proyekto at ang GMA 7.
Hindi pa natin nababalitaan ang Kapamilya network kung nakapagtayo na sila ng komunidad.
At ang Vatican mismo, bukod sa mapagpalang pagbabasbas ni Pope Francis, ano pa ang kongkretong tulong na pwedeng ibigay ng Vatican? Hindi ba mas maganda kung ‘yun pagdalaw ng Santo Papa sa Tacloban ay nag-pledge ang Vatican ng kahit 100 pabahay din, ‘di po ba?
‘Yung subi na donasyon sa pagdalaw ni Pope Francis ay ipagkaloob kaya sa mga biktima ng Yolanda?!
Sana naman.
At sana pa rin, ‘yung iba pang organisasyon na nag-solicit sa ngalan ng mga sinalanta ng Yolanda ‘e ibigay n’yo na ‘yan sa mga dapat makinabang.
Huwag ninyong ibulsa nang matagal ‘yan.
Sa INC at kay Executive Minister Bro. Eduardo Manalo, pagpalain po kayo ng Dakilang Manlilikha sa inyong totoong paglilingkod sa inyong kasapian.