It’s payback time na ba ni Sixto kay De Lima?!
hataw tabloid
January 26, 2015
Bulabugin
HINDI na tayo nagulat nang sabihin ni retarded ‘este retiring Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr., na si Justice Secretary Leila De Lima ang gusto niyang humalili sa kanya.
Nagtataka naman tayo kay retirable Chairman Sixtong ‘este Sixto, kung bakit kailangan pa niyang magrekomenda ng galing sa ibang departamento gayong mayroon namang ibang Commissioner (insider) na pwede niyang i-endorse.
Bakit si Justice Secretary na malaki ang naitutulong sa administrasyon ni Pangulong Noynoy?!
Iniisip tuloy natin na may kahinaan si Chairman Sixtong ‘este Sixto sa pagpapanday ng mga second liner sa hanay ng kanyang mga Commissioner …
O may kinalaman kaya ito sa isang senaryong personal na nasaksihan natin sa Malacañang noong 2010 nang araw na nakatakdang manumpa si Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Director General Lilia De Lima kay PNoy.
Nakita natin na naroon at panay ang buntot ni Brillantes (hindi pa siya naitatalagang Comelec Chairman) noon sa mga De Lima.
Kung hindi tayo nagkakamali, si PEZA Dir. Gen. Lilia De Lima ay tiyahin ni Madam Leila.
Hanggang nanumpa si Lilia De Lima kay PNoy ay umeepal ‘este naroon din si Brilliantes na parang kapamilya nila at nang matapos ang oath taking ay may ibinubulong pa ang matanda sa ating Pa-ngulo.
Hindi naman natin binigyan ng kulay noon ang pagbuntot-buntot ni Brillantes kay Madam Leila pero nang maupo na siya bilang Comelec Chairman ‘e bigla nating naalala ang senaryong iyon.
At nadagdagan pa ngayong nabatid natin na ini-endorse niya si Madam Leila para makahalili sa kanya sa Comelec.
It’s payback time na ba, Chairman Brillantes?!
Gusto sigurong tiyakin ni Chairman na mayroon siyang direct contact sa susunod na Comelec Chairman.
By the way, hindi ba dapat ‘e i-lifestyle check muna si Brillantes at ang dalawang Commissioner na magreretiro sa papasok na buwan?
Mahirap nang matulad kay dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.
‘Di ba, soon to be retired Chairman Sixto?!