Eskandalo ng DSWD paulit-ulit
hataw tabloid
January 24, 2015
Bulabugin
ILANG araw pagkaalis ni Pope Francis, nabuyangyang sa publiko ang ginawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maitago ang mga street people sa mata ng pinakamataas na opisyal ng Simbahang Katolika.
Ayon sa ulat ng isang documentary show, umabot sa 100 pamilya ang dinala ng DSWD sa isang resort sa Batangas sa loob ng panahon na nasa bansa ang Santo Papa.
Mismong ang mga taong lansangan, ang nagpahayag na hindi nila alam kung saan sila dadalhin matapos silang lipulin mula sa Roxas Blvd., mula sa Parañaque City, Pasay City at Maynila.
Ang tatlong siyudad ang area na dinaanan ng Santo Papa sa panahon ng kanyang pamamalagi sa bansa.
What the fact!?
Hindi ‘barya’ ang ginamit sa ‘outing’ na ito ng mga street people. Malaking halaga ito na hindi pinakakawalan ng DSWD sa panahon na mas marami nating kababayan ang nangangailangan.
Aba’y sana ganyan ang ginagawa ninyo linggo-linggo sa mga palaboy sa kalsada!?
Marami na rin pamilyang palaboy ang desmayado dahil sa pangakong kabuhayan ng DSWD ay drawing lang pala!
Bago ang nasabing isyu, lumabas din sa iba’t ibang social networking sites ang mga ‘dinampot’ na street children na ikinulong at ipinosas sa iba’t ibang detention center.
Mariin itong pinabulaanan ni DSWD Secretary Dinky Soliman.
At mukhang diyan napipikon ang marami nating kababayan. Maraming lumalabas na ebidensiya pero panay lang ang tanggi.
Kahapon, sinabi ni Secretary na ipasasara na raw ang Manila Reception and Action Center (RAC).
Ang tanong, solusyon ba ang pagsasara?!
Baka ang solusyon ‘e palitan ninyo lahat ang mga tao d’yan na kung umasta ‘e daig pa ang mga berdugo.
Imbes kalingain ang mga batang nangangailangan ng pang-unawa, nagagawa pang pagmalupitan at kaitan ng pagkain.
Tsk tsk tsk …
Mukhang hindi talaga tumalab sa inyo ang pangaral ng Santo Papa.
Ano sa palagay ninyo Secretary Donkey ‘este mali Dinky?!