Tumimo kaya kay DSWD Sec. Dinky Soliman ang homiliya at mga pahayag ng Santo Papa?!
hataw tabloid
January 22, 2015
Bulabugin
BAKIT kay Social Welfare Secretary Dinky Soliman natin itinatanong ito?
Sa temang Mercy and Compassion, ipinakita at ipinadama ng mahal na Santo Papa – Pope Francis – ang kanyang pagpapahalaga at pagmamahal sa mga bata at matatanda lalo na yaong may mga sakit at mahihirap. Ganoon din, binigyang-diin niya ang paggalang sa damdamin ng mga kababaihan lalo na kung sila ay lumuluha.
Sila rin (bata, babae at matatanda) ang pangunahing benepisaryo ng mga programa at proyekto na direktang nakapailalim sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinamumunuan ni Secretary Dinky.
Sa mga nagdaang panahon, batay na rin sa karanasan ng mga kababayan nating nangangailangan ng pag-alalay ng DSWD, lagi silang bigo sa kanilang inaasahan.
Kaya nga mas maraming mga bata at matatanda na indigent ang piniling magpakalinga sa ilang institusyon, foundation at sa iba pang non-government organizations (NGOs) kaysa ‘magpakulong’ sa DSWD.
Ang maingay na ‘praise release’ ni Secretary Dinky sa kanyang mga ginagawa ay nanatiling alingawngaw lamang dahil ilang beses nagreklamo ang mga benepisaryo na hindi nakararating sa kanila ang para sa kanila.
Ilang beses na bang binulabog ng reklamo ang DSWD?
At ilang beses nilusob ng mga nagugutom na biktima ng kalamidad ang bodega ng DSWD dahil nabulok lang sa bodega nila ang relief goods habang marami sa kanila ang nagugutom lalo na ang mga bata at matatanda?
Naturalmente na patuloy na itatanggi ni Secretary Dinky ang mga nabanggit na kapabayaan at katiwalian sa kanilang departmento dahil ang pag-amin ay katumbas na rin ng pagbibitiw.
Pero ang katotohanan ay laging nalalantad sa mata ng publiko. Ilang beses man itanggi ni Secretary Dinky ang ibinibintang na kapabayaan at katiwalian, ang tinig ni Pope Francis ay mananatiling batayan at barometro para sa mga mamamayan kung paano ‘kinakalinga’ ng DSWD ang mahihirap nating kababayan.
Kung mayroong konsiyensiya si Secretary Dinky, hindi pa siguro huli ang lahat para ituwid niya ang bulok na kalakaran sa kanyang departamento.
Imbes ubusin niya ang kanyang oras sa pag-iisip kung ano ang kulay ng ‘streak’ na ilalagay niya sa kanyang buhok, mas makabubuting mag-isip siya ng pinaka-epektibong paraan kung paano mas mabilis na mararamdaman ng mamamayan ang sinasabi niyang ‘pagkalinga’ ng DSWD.
Lalo na ngayong nakopo ng kanyang departamento ang 36.6 percent o P952.7 bilyones sa 2015 national budget.
Kung passé sa kanya ang mga mensahe ng Santo Papa kahit man lang sana sa iyak at hikbi ng 12-anyos na dating batang lansangan na si Glyzelle Palomar ay makonsensiya siya.
Meron ka pa ba no’n, Secretary Dinky?!