Maraming Salamat Sto. Papa Francisco!
hataw tabloid
January 20, 2015
Bulabugin
NAGSITIKLOP ang mga TRAPO (traditional politician) sa pagbisita ni Jorge Mario Bergoglio a.k.a. POPE FRANCIS sa ating bansa mula Enero 15 hanggang Enero 19.
Pero hindi nagsitiklop ang mga TRAPO dahil inirerespeto nila ang nasabing pagbisita.
Nagsitiklop sila dahil sila ang unang tinamaan ng mga pahayag ni Pope Francis laban sa korupsiyon.
Sa kanyang pagdating sa bansa agad nanawagan ang Santo Papa na biguin ang katiwalian na nananalasa sa mga bansa sa Asia sa loob nang maraming dekada at sa halip ay kumilos para wakasan ang eskandalosong kahirapan at kawalang katarungan sa lipunan na labis na nagpapahirap sa mga mamamayan. Hinikayat din niya ang pamahalaan na ipagpatuloy ang pagwasak sa korupsiyon lalo na sa mataas na hanay nito.
Hindi lamang mga corrupt na opisyal sa gobyerno, maging ang pagkalulong ng bawat indibidwal sa komersiyal na materyalismo sukdulang ikawasak ng bawat pamilya ay tahasang sinaltik ng Santo Papa.
Imbes pagsamantalahan, mahigpit na itinagubilin ni Pope Francis na kalingain ang mahihirap lalo na ang mga bata partikular ang mga street children na tila hinahayaan ng lipunan na masadlak sa ilegal na droga at prostitusyon at ang matatanda na tila hinayaan na lang sa isang sulok o pakalat-kalat sa bangketa.
Naiintindihan mo ba ‘yan DSWD Sec. Dinky Soliman!?
Marami ang nagsabing hindi nila mapigilan ang hindi maiyak kapag naririnig nila ang ‘tagos sa pusong’ mga pahayag ng Santo Papa.
Ganoon din kaya ang naramdaman ng mga politiko?
Sana lang ay tumagos ang mga salita ni Pope Francis lalo na sa mga politikong nagsasabing sila ay makamahirap pero kabaliktaran ang ginagawa nila sa realidad.
Tumagos ba sa inyo Erap at Binay?
Kay Pope Francis, maraming-maraming salamat po sa inyong pagbisita. Nawa’y lagi kayong basbasan at pagpalain ng Panginoon para patuloy kayong maging inspirasyon sa buong mundo.
Viva Il Papa! Viva Francesco!