QCPD-SAID, nakalimot na… nakapokus sa 1602?
hataw tabloid
January 13, 2015
Opinion
PARA saan nga ba ang muling binuhay na Station Anti-Illegal Drugs (SAID) sa bawat istasyon ng pulisya ng Quezon City Police District (QCPD)? Obvious naman siguro kung para saan.
Oo binuhay ang SAID noong Nobyembre 2014 matapos na pangunahan ni QC Vice Mayor Joy Belmonte ang launching nito sa QCPD Headquarters, Kampo Karingal.
Ibinalik ang SAID para makatulong sa pagsugpo ng pagkalat ng droga sa lungsod – kung baga, kahit na papaano ay may makakatuwang ang District Anti-Illegal Drugs (DAID) sa tuluyang paglinis ng Kyusi.
Pero ang pagbuhay sa SAID ay hindi ibig sabihin na pabaya ang DAID katunay ay halos lingguhang nakahuhuli ng malalaking isda ang DAID. Hindi lang gramo-gramong shabu ang nakukumpiska nila, hindi lang din pipitsuging drug pushers ang nahuhuli nila kundi kilo-kilo ang nakukumpiska sa malalaking drug dealers.
Oo, iyan ay bunga ng kasipagan at leadership ng hepe ng DAID na si Chief Insp. Roberto Razon.
Pero ano itong impormasyon o sumbong na walang silbi ang SAID sa bawat istasyon o “naliligaw sa landas” ang SAID. Naliligaw dahil lumilihis sa linya ang karamihan sa tauhan na nakatalaga dito.
Kunsabagay, mukhang totoo ang sumbong dahil maging ang tropa ng QCPD Press Corps ay nakapunang simula nang buhayin ang SAID ay wala pang napapabalitang may huli silang malaking isda o mga pipitsugin.
Marahil may huli silang mga small time pusher pero…ano ang ginagawa nila sa huli, tinutuluyan nga ba nila o ibinabangketa?
Madame Vice Mayor Joy, tila’y walang kuwenta ang ginawa niyong pagbuhay sa SAID. Ang DAID pa rin ang nagtatrabaho.
Mayroon na ba kayong nabalitang huli ang mga SAID Madame? Wala pa di po ba?
Balik wala? Paano po kasi, umiiba ng linya ang nakararaming tauhan ng SAID na napaka-imposibleng hindi alam ng mga hepe-hepe ng SAID.
Sa sumbong, kaya walang huling malaking isda o smalltime pushers ang SAID dahil sa 1602 sila lumilinya. Nanghuhuli sila ng mga “sugal lupa”. Nakapokus sila sa paghuhuli ng mga nakikitang nagto-tong-its, tupada, cara y cruz, pusoy etc. At ang ginagawa sa huli ay kanilang kinokotongan.
Dinadala naman nila sa opisina ng SAID ang kanilang mga huli sa illegal gambling pero hindi nila tinutuluyan. Siyempre hindi pwede dahil hindi iyon ang kanilang trabaho kaya, para saan ang kanilang mga huli. Kokotongan siyempre.
Ang modus ng mga ‘tadong lespu, tinatakot ang mga huli na kakasuhan kapag hindi sila magbibigay ng tig-P5,000. Bawat ulo ‘yan ha.
Kapag hindi makaayusan sa opisina ay kunwaring ibibiyahe na ang huli papuntang hall of justice para kasuhan “inquest” pero hindi naman ito dadalhin kundi iikot nang iikot para magtawaran sa “kotong”.
Hayun sa kaiikot at tawaran, magkakaroon na sila ng tamang presyo. Ang pinamababa ay P3,000 bawat ulo. Kaya kung may huling 10 katao sa isang lakaran. Tumataginting na P30,000 ang nakotong. E pano kung dalawang beses ito sa loob ng isang linggo. E di P60,000 habang sa loob naman ng isang buwan ay P240,000. Hanep! Kung ganyan nga ang kitaan, ba’t pa sila manghuhuli ng droga na kung saan ay marami pa silang puwedeng masasagasaan.
Iyan ang lakad ng nakararaming taga-SAID kaya, walang silbi ang pagbuhay dito. Hindi na nga sila nakatutulong sa QCPD. Hayun sinisira pa nila ang imaheng most awardee na district police sa National Capital Region.
Kaya Madame Joy, batid ng marami ang pakay o layunin niyo sa pagbuhay sa SAID pero, ano ito?! Nagagamit lang ang SAID.