QC CAP sa Commonwealth, effective!
hataw tabloid
January 8, 2015
Opinion
IYAN na nga ba ang sinasabi ng nakararami, kaya raw maraming nawawalan ng tiwala sa mga alagang constable ni MMDA chairman Francis Tolentino ay dahil marami-rami na rin sa kanila ang abusado na animo’y hari ng bansa o daig pa si PNoy.
Kunsabagay, illegal DAP lang naman ang kailegalan ni PNoy (ayon sa Korte Suprema iyan ha) kasabwat si DBM Sec. Abad. Bigtime ano!? He he he…
Nitong nagdaang taon, may mga napabalitang kabutihan at kasamaan sa mga MMDA constable. May mga matulungin, matitino at iba pa. Lamang, mayroon pa rin mga nagtinutinuan pero sa likod nito ay… ay ano!?
Kung inyong matatandaan, isang constable ang napabalitang halos nakipagpalitan sa mukha ng aso nang pagsasapakin ng isang motoristang kanyang inagrabyado (ayon sa motorist).
Noong una, maraming naawa sa constable kabilang si Tolentino pero nang mabuking ang ugali ng constable at marami nang naglutangang nagrereklamo sa kakaibang pag-uugali ng constable. Nawala na ang awa ng marami sa kanya, maging si Tolentino ay desmayado na rin (yata).
Oo hiwalay ang kasong pananakit sa constable pero bakit nangyari sa kanya ang lahat.
Base naman sa salaysay ng mga naglutangang nabiktima ng constable, ang constable ay masyadong agresibo at inaabuso ang katiting na posisyon na pansamantalang ipinagkatiwala sa kanya ng MMDA kaya, ano ang napala niya… nakatagpo siya. Nagmukhang aso tuloy ang mukha niya. Biro lang.
Hindi lang ito ang isyu, mayroon din naman matino tulad ng isang constable na nagtitinda ng kakanin sa mga motorista. Iyon nga lang kahit sa day off pa niya ginagawa ang pagtitinda ay kanyang ginagamit pa rin ang pasilidad ng MMDA maging ang kanyang uniporme para makabenta. Kaabusudohan pa rin ‘yon. Bagaman, saludo tayo sa ginagawa niyang pagtitinda kaya lang sana huwag naman niya gamitin ang pasilidad ng MMDA.
Teka ‘matitinong’ MMDA constable nga ba ang pinag-uusapan natin? Tsk tsk tsk…Tserman Tolentino, magising ka na sa katotohanan. Marami kang alagang abusado at ginagamit lamang sa pangongotong ang kanilang uniporme.
Gusto pa ba ninyo ng isang patunay pero batid na ninyo ito. Oo apat na naman sa mga alaga mo ang nahuli sa aktong pangongotong sa Commonwealth Avenue/University Avenue, Quezon City.
Kahapon ng madaling araw, mismong si Quezon City Dist. 2 Councilor Rannie Ludovica at kanyang mga tauhan ang nakahuli at umaresto sa apat. Ang operasyon ng apat ay ginagawa nila sa madilim na bahagi sa lugar na dinadaanan ng mga truck.
Paano nabuko ang estilo ng apat na constable? Matatandaan ba ninyo ang isinulat natin nitong Martes (Enero 6) hinggil sa programa ni Ludovica kaugay sa 24/7 nilang pagbabantay sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para sa mamamayan. Naglagay si Ludovica ng siyam na QC Complain & Action Post (QC-CAP) sa Commonwealth Avenue (mula Philcoa hanggang Fairview) para may matakbuhang tulong ano mang oras ang mamamayan.
Kaya heto na naman ang isa sa resulta QC-CAP na sinimulan noong Nobyembre 2014.
Kahapon, napansin ng isa sa tao ni Ludovica na nakatalaga sa isang post malapit sa Philcoa ang kakaibang gawain ng mga constable matapos nilang harangin at sitahin ang mga dumaraang truck sa lugar.
Nakitang pinapababa ang mga driver at may inaabot sa ilan sa constable. Kaya agad na itinawag ang insidente kay Ludovica na agad rumesponde. Hayun nadakip ang apat sa reklamo na rin ng mga biktima.
Nang ipalabas sa apat ang laman ng kanilang mga bulsa. Aysus ginoo, pulos kulot-kulot este lukot-lukot na tig-P20, P50 at P100 ang tumambad. ‘Ika nga ng isang driver, nang P200 lang ang kanyang iniaabot dahil P300 ang hinihingi sa kanya, nagreklamo pa raw ang isa sa constable.
Pero ano pa man, buko ang apat sa kanilang kalokohan. Tsk tsk tsk… ano ba ‘yan Mr. Tserman. Mabuti na lamang at may nagbabantay na mga tauhan ni Ludovica ngayon sa Commonwealth Avenue kundi…
Pero siyempre, inaasahan na natin ito. Ang alin? Ang pagtanggi ng apat sa akusasyon. Yes, kanilang pinabulaanan na kinokotongan nila ang mga driver. Well, iginagalang naman natin ang kanilang panig. Inuulit natin, ayon sa apat wala raw katotohanan ang akusasyon.
Aba’y palalabasin pa yatang kasinungali-ngan ang lahat pabor sa kanila. Ganoon na nga iyon.
Ano pa man, saludo tayo sa mga alertong mga tauhan ng QC-CAP. Napakalaking tulong ito sa mamamayan. O, wala ba kayong mga kamay diyan. Bigyan ng jacket ang mga ‘yan!
Uli, iyan ang mga action man ng QC District 2.
Kenneth Estal, nakatalaga sa isa sa siyam na post sa harapan ng St. Peter Church. Salamat sa info. Ingat-ingat lang kayo mga bro. Mabuhay kayo!
Sa iyo naman Kon. Rannie, mabuhay ka!
Almar Danguilan