Privatization ng NAIA unti-unti nang sinisimulan
hataw tabloid
January 8, 2015
Bulabugin
SI SECRETARY Joseph Emilio Aguinaldo Pabaya este Abaya ba ay inilagay sa Department of Transportation and Communication (DOTC) para sa unti-unting transisyong pribado ng mga pag-aari ng gobyerno?!
Naitatanong natin ito, dahil sa sunod-sunod na development sa ahensiyang kanyang pinamumunuan na kinasasangkutan ng pagpapasa sa pribadong sektor ng operation and maintenance, una na ng MRT 3.
Kasunod nito, pinag-iisipan na rin ng DOTC na ipa-bid pala ang operation and maintenance ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa kasalukuyan ang mga terminal ng NAIA ay nasa pamamahala ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang ahensiyang direktang nakapailalim sa DOTC.
Matagal na nating naririnig ang planong isapribado ang NAIA/MIAA.
Pero ang hindi natin maintindihan, bakit ginastusan pa ng pamahalaan ang rehabilitasyon ng NAIA terminal 1 sa halagang P1.3 bilyon kung plano naman palang isapribado ang operation at maintenance nito?!
What the fact!?
Ano ‘yan? Kikita nang walang puhunan ang mananalong bidder? Bakit hindi hinayaan na ‘yung pribadong kompanya na ang namahala sa rehabilitation ng NAIA terminal 1 kung ipa-privatize rin naman pala?!
Ang isa pang tanong dito kung isasapribado ang NAIA, ilang libong empleyado ang maaapektohan ng privatization?
Ilan ang ia-absorb, kung mayroon, o ilan ang mawawalan ng trabaho at magugutom ang pamilya?
Mayroon ba silang programa para sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho?
Ilan lang po iyan sa mga katanungan na dapat sagutin ng DOTC.
Pero ang isa sa malaking kuwestiyon na dapat harapin ng administrasyong PNoy, talaga bang pagsasapribado ng pampublikong ahensiya ang solusyon para sa maayos na pamamahala?!
Pakisagot na nga Secretary Abayad ‘este Abaya!