MAPAPALABAN ng todo sa unang sasabakang tournament si Super Grandsmaster Wesley So sa taong 2015 at paniguradong dadan ito sa butas ng karayom bago masungkit ang titulo.
Susulong ng piyesa ang 21-anyos at world’s No. 10 player So sa magaganap na 77th Tata Steel Chess Tournament sa Wijk ann Zee, Netherlands sa darating na Enero 9 hanggang 25.
Makakalaban niya sa nasabing event ang reigning World Chess Champion GM Magnus Carlsen (elo 2862) ng Norway, No. 2 sa world rankings at rising star GM Fabiano Caruana (elo 2820) ng Italy at defending champion GM Levon Aronian (elo 2797) ng Armenia.
Bukod kina Carlsen, Caruana at Aronian ang ibang kalahok ay sina Maxime Vachier-Lagrave ng France, Radoslaw Wojtaszek ng Poland, Teimour Radjabov ng Azerbaijan, Baadur Jobava ng Georgia, Liren Ding ng China, Vasilly Ivanchuk ng Ukraine, Ivan Saric ng Croatia, Women’s World Chess Champion Hou Yifan ng China at Dutch players GMs Anish Giri at Loek Van Wely.
Samantala, bandila ng USA ang dadalhin ni So habang tutulak ng piyesa sa pagsisimula ng torneo dahil nagpalit na siya ng federation pero ayon sa kanya, mananatiling Pinoy pa rin ito.
Nitong nakaraang taon apat na beses nagkampeon ang Minnesota-based So kaya umalagwa ang kanyang elo rating at mapalapit sa inaasam na top 5 sa World Rankings bago matapos ang taong 2015. (ARABELA PRINCESS DAWA)