Nakapagpundar si Rendo ng kabuha-yan sa pagsi-seaman. Nakapagpatayo siya ng sariling bahay. Nakabili siya ng isang bagong pampasaherong taksi. At may konti pang ipon sa banko.
Lampas na siya sa edad trenta pero binata pa. Paminsan-minsan ay naggu-goodtime siya. Pero naging madalas ang pagpunta-punta niya sa isang nite spot dahil kay Sassy, isa sa magaganda at seksing GRO roon.
Niligawan at naging karelasyon niya si Sassy. Nang magtagal ay nag-live-in sila.
Isang araw ay nakatanggap si Rendo ng isang mensahe sa kanyang cellphone. Hindi niya kilala at ‘di rin nagpakilala ang texter. Ayon sa text message nito: Hindi tapat sa iyo si Sassy. “Nakikipagkita pa rin siya sa sa dati niyang bf. Nagmamalasakit lang ako…”
Gamit ang ipinamamasadang taksi ay lihim niyang sinubaybayan si Sassy. Totoo ngang nakikipagkita pa ang kanyang ka-live-in sa ex-boyfriend nito. At mula sa isang fastfood, ito at ang katagpong lalaki ay sumakay sa isang taksi. At sa isang “biglang liko” nagpahatid ang dalawa.
Sa matinding sama ng loob ay nagla-sing si Rendo.
Gabi nang uwian siya ng kinakasamang babae. Agad niya itong pinasalubungan ng lumalagapak na sampal.
“Saan ka galing?” sigaw niya sa pagla-labas ng galit sa dibdib.
“S-sa isang kaibigan lang…” ang sagot ni Sassy.
Muli niya itong pinagbuhatan ng kamay.
“Sinungaling!” bulalas niya. “Nakita kong magkasama kayo kanina ng dati mong boyfriend.”
“B-baka kamukha ko lang ‘yung babaing nakita mo…” katuwiran ng kanyang ka-live-in.
Isang mariing sampal ulit ang pinakawalan ni Rendo. Nagdugo ang mga labi ni Sassy.
“Isang tanong-isang sagot… Pinendeho mo ako, ‘di ba?”pang-aamba niya sa kinakasama ng kuyom na kamao.
Biglang napahagulgol ng iyak si Sassy.
“H-hindi na mauulit ‘yun… Promise!” anitong yumakap nang mahigpit sa kanya.
Napatiim-bagang si Rendo. Ipinagtulakan niyang palabas ng bahay si Sassy. At pinagsaraduhan niya ito ng pinto. Nagbi-ngi-bingihan siya sa malakas na pag-iyak nito na nagmamakaawang patawarin sa nagawang kasalanan.
Lupaypay napaupo si Rendo sa sofa. At naibulong niya sa sarili sa pagkahilam ng luha sa mga mata:
“S-sana’y hindi ka umamin … D-dahil kung pinangatawan mo ang pagsisinunga-ling ay mapapatawad pa sana kita… “
ni REY ATALIA