Wednesday , December 25 2024

Pagpapalakas sa NDRRMC

00 firing line robert roqueSA TAKBO ng kasalukuyang panahon na madalas tamaan ng kalamidad ang ating bansa bunga ng lupit ng kalikasan, kapabayaan ng tao at iba pang trahedya ay mahalagang mapalakas ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa pagbibitiw sa puwesto ni Secretary Panfilo “Ping” Lacson bilang pinuno ng Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR) sa Pebrero 10, 2015 ay ililipat sa NDRRMC ang tungkulin sa rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Yolanda.

May mga mungkahi si Lacson sa pagrereporma ng NDRRMC dahil ito raw ang tamang ahensya na dapat mangasiwa sa mga kalamidad.

Kabilang dito ang agarang paglalabas ng pondong P80 bilyon sa 2015 mula sa Department of Budget and Management (DBM) tungo sa NDRRMC, na hindi na kailangan pang isangguni sa OPARR na dating kalakaran, para bumilis ang proseso.

Sang-ayon tayo sa punto ni Lacson dahil noon pang 2013 ay iminungkahi na rin natin ang paglikha ng panibagong departamento na tututok sa mga biktima ng kalamidad. Kung hindi man bubuo ang pamahalaan ng panibagong departamento ay mainam na palakasin nila ang NDRRMC.

Sa loob ng isang taon ay kung ilang ulit tayo nakararanas ng hagupit ng malakas na bagyo, malawakang pagbaha, sunod-sunod na sunog o kaya ay pagyanig ng lindol.

Ang madalas natin marinig na reklamo mula sa mga sinalanta ng bagyo o biktima ng trahedya, ang halos pagong sa bagal na pagkilos ng gobyerno sa pagpaparating sa kanila ng tulong.

Handa man ang NDRRMC sa pagtugon sa isang trahedya ay lumalabas na marami pa rin itong pagkukulang sa pagpapatupad ng pangmatagalang plano ukol sa rehabilitasyon ng mga sinalanta.

Ang NDRRMC, na nasa ilalim ng Department of National Defense, ay kinabibilangan ng mga pinuno ng mga kagawaran ng gobyerno na tulad ng Department of Interior and Local Government, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways at iba pa.

Pero ang mga kagawarang ito ay may kani-kanyang tungkulin din na hindi nila puwedeng pabayaan. Hindi natin maaasahang puwede silang tumutok sa lahat ng problema na kinakaharap sa oras ng kalamidad at pangangailangan ng mga sinalanta sa kanilang pagbangon muli mula sa trahedya.

Kung irereporma ang NDRRMC, bukod sa mga kagawarang sangkot dapat magtalaga rin ng sapat na bilang ng mga tao rito na may kakayahan para tumugon sa problema mula sa mga arkitekto, enhinyero, teknisyan at iba pang mga propesyonal na puwedeng makipagtulungan sa mga pulis, bombero, coast guard hanggang sa barangay tanod hindi lang sa panahon ng emergency kung hindi pati na sa rehabilitasyon ng mga sinalanta.

Sa mga panahon na hindi tayo tinatamaan ng kalamidad ay puwede nilang gugulin ang kanilang oras sa pagsasanay upang hindi sila mataranta sa pagsapit ng emergency at alam na nila ang mga tamang hakbang na dapat nilang gawin.

Huwag natin kaliligtaan na ang pagsagip sa buhay ng mga mamamayan at sa kanilang mga ari-arian ay prayoridad at tungkulin ng gobyerno. Dapat maging handa ang pamahalaan sa lahat ng oras sa pagtugon sa problemang ito.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *