Friday , November 15 2024

MET P40-M lang kay Mayor Lim, P200-M kay Erap

00 Kalampag percyLUSOT sana ang pagpapanggap ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na nagmamaskarang may malasakit sa historical at cultural heritage kung hindi nagkaroon ng transaksiyon sa pagbawi ng makasaysayang Metropolitan Theater (MET) ang administrasyon ni Mayor Alfredo Lim noong 2007 sa Government Service Insurance System (GSIS).

Hindi siguro ibinenta ng “de facto mayor” ang makasaysayan din namang Army and Navy Club sa Tsekwang si Simon Paz na dating crony ni Lito Atienza kung tunay siyang may pagpapahalaga sa heritage o mga pamana ng kultura at kasaysayan.

Buong pagyayabang na ipinangalandakan kamakailan ni “de facto mayor” Erap na kesyo balak daw niyang tubusin ang MET mula sa Government Service Insurance System (GSIS) sa halagang P200-M.

Sumumpong na naman ang pagiging “kleptocrat” ni “de facto mayor” Erap at plano pang pagkakuwartahan ang pagbawi sa MET.

Sabi pa ng damuhong mandarambong na interes pa lang daw sa pagkakasangla ay P600-M na, pero hindi niya binanggit kung magkano naisanla sa GSIS noong dekada ’70.

Para sa kaalaman ng lahat, ang MET ay ibinigay ni Manila Mayor Ramon Bagatsing noong dekada ’70 ang MET kay dating Unang Ginang Imelda R. Marcos sa Metro Manila Commission (MMC) na ginawang prenda ang gusali nang mangutang sa GSIS ng hindi hihigit sa P9-M para maipaayos.

Naipakumpuni naman ni Imelda ang MET pero inabot ng 1986 EDSA revolution nang hindi nabayaran ang P9-M na utang kaya kinumpiska ng GSIS noong panahon ni Pangulong Cory Aquino.

Nang makabalik na alkalde si Mayor Lim noong 2007, nakipag-usap siya sa pamunuan ng GSIS para mabawi at maipaayos ang MET na dating pag-aari ng Lunsod ng Maynila.

Base sa kuwenta ng GSIS, P40-M lang ang kabuuang halaga ng utang na kailangang bayaran ni Mayor Lim, kasama na rito ang interes at penalty, para mabawi ng Maynila ang MET.

Nakiusap si Mayor Lim sa GSIS na kung maaari ay tanggalin o ibawas na ang interes dahil gobyerno rin naman ng Maynila ang bibili bilang orihinal na may-ari, sa ilalim ng “buy back property”scheme.

Pinakiusapan din ng idolo nating alkalde ang GSIS na kung maaari ay tanggalin pati ang penalty dahil hindi naman ang pamahalaan ng Maynila ang may atraso kundi ang MMC.

Walang kasunduan na nabuo para matubos ng Maynila ang MET pero naisakatuparan ng National Commission on Culture and Arts (NCCA) sa panahon ng administrasyon ni Mayor Lim ang restoration ng gusali kaya’t nabuksan muli ang teatro noong Hunyo 23, 2010 at ang huling nagtanghal dito’y ang Wolfgang Band concert noong 2011.

Kung nooong 2007 ay P40-M lang gustong ipatubos ng GSIS sa Maynila ang MET na tinatawaran pa ni Mayor Lim, bakit P200-M na ang ipinangangalandakan ngayon ni Erap na presyo?

Hindi kapani-paniwalang umakyat sa halagang P600-M ang tinubo ng utang sa GSIS sa loob lamang ng nakalipas na pitong taon.

P200-M paboritong presyo ni Erap

PABORITONG presyo na yata ni Erap ang P200-M o benchmark sa pagsandok ng pondo sa kaban ng bayan.

Ganito rin kasi ang katumbas na halaga na napabalitang kinalap niyang pondo mula sa mga negosyanteng Tsinoy na kunwaring ipambabayad sa pamilya ng mga biktima sa Hong Kong sa naganap na Quirino Grandstand massacre.

Kabilang sa ebidensiya, sa hatol sa kanyang guilty ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong, ang halagang P200-M na galing sa jueteng kickback at bahagi ng P542.7 deposito sa Equitable-PCI Bank gamit ang Erap Muslim Youth Foundation, bukod pa sa P182.76-M komisyon niya mula sa pagbili ng shares sa Belle Corporation mula sa pondo ng Social Security System (SSS) at GSIS na inilagak sa kanyang Jose Velarde account.

Nadiskubre ng Sandiganbayan na P182.76-M bilang komisyon sa pagbili ng shares sa Belle Corporation mula sa pondo ng Social Security System (SSS) at GSIS na inilagak sa kanyang Jose Velarde account at nagmula sa Urban Bank account ng kanyang anak na si Sen. JV Ejercito.

Sa testimonya sa Sandiganbayan ni Carlos Arellano, kababata ni Erap na itinalaga niyang president at chairman ng SSS taon 1998, inutusan siya ni Erap noong Oktubre 1999 na ipambili ng Belle Corp. stocks ang P900-M pondo ng SSS.

Ikinanta rin ni Federico Pascual, president ng GSIS noong 1999, ang pagbili ng Belle shares of stocks gamit ang P1.1-B pondo ng GSIS.

Lahat ito ay pawang dokumentado at bahagi ng kasaysayan ng Republika ng Filipinas kaya naman nakasama si Erap sa listahan ng 10 Most Corrupt World Leaders of All Time.

Paano naatim sabihin ni Erap na walang napatunayang kaso ng pagnanakaw laban sa kanya gayong nahatulan siyang guilty ng Sandiganbayan at pinatawan ng parusang habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pandarambong?

 (Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

About hataw tabloid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *