KUNG sakaling makakadiretso ang San Miguel Beer at Alaska Milk sa best-of-seven Finals ng PBA Philippine cup, malamang na ang maglaban para sa best Player of the conference award ay sina Junemar Fajardo ng Beermen at Calvin Abueva ng Aces.
Sila ang main man ng kani-kanilang koponan.
Alisin mo sila sa kanilang team, mahihirapang makausad ang mga ito.
Patunay lang ito na tama ang ginawa ng Aces at Beermen na kunin ang dalawang manlalarong ito bilang top two picks ng 2012 PBA Draft.
Si Fajardo ang Number One pickoverall ng taong iyon samantalang si Abueva ang No. 2 pick.
Sa taong iyon ay si Abueva ang siyang nahirang na Rookie of the Year. So, naunahan niya si Fajardo.
Pero hindi naman kumpleto ang kanyang tagumpay noon e. Kasi, hindi naman nakumpleto ni Fajardo ang season.
Magugunitang nagtamo ng groin injury si Fajardo sa isang game sa pagitan ng Beermen at San Mig Coffee kung saan nagkasalpukan sila ni Marc Pingris.
Kinailangang magbakasyon si Fajardo at malaki ang naging epekto ng kanyang pagkawala hindi lang sa Beermen kungdi pati sa tsansa niya na magng ROY .
Pero noong nakaraang season ay nakabawi si Fajardo nang mapanalunan niya ang Most Valuable Player award.
Hindi man siya naging ROY ay nakamit niya ang pinakamimithing karangalan ng isang PBA player. Parang ganoon din ang nangyari kay James Yap, hindi ba?
At ngayon ay tila uulit siya bilang MVP.
Kung hindi siya masisilat ni Abueva.
Matagal-tagal ang magiging bakbakan ng dalawang manlalarong ito!
ni Sabrina Pascua