Tuesday , November 26 2024

Umaasa sa maligayang Pasko at pag-asa sa 2015

00 firing line robert roqueSa kabila ng mga problema na kinaharap ng bansa ngayong 2014 ay nanatiling positibo ang pananaw ng karamihan ng Pinoy na magiging maligaya ang Pasko at may pag-asang hatid ang 2015.

Sa mga nakalipas na buwan, hindi biro na masaksihan ng mga mamamayan ang mismong pangulo na si President Aquino na binabatikos ang Korte Suprema dahil idineklara nitong “unconstitutional” ang disbursement acceleration program (DAP).

Ayon sa administrasyon, ang DAP na ipinagtatanggol ng Pangulo ay kanilang mekanismo upang mapabilis ang mga reporma at programa, na gamit ang savings o pondo na hindi nagastos sa ibang mga proyekto.

Gayunman, sa pananaw ng kataas-taasang hukuman ay hindi raw naaayon ang ilang bahagi ng DAP sa Konstitusyon. Dito pumalag si Aquino na kilalang palasagot sa mga isyu lalo na kung siya na ang nasasagasaan.

Nakita rin natin ang iskandalo na dulot ng pulitika, lalo na sa kaso ni Vice President Jejomar Binay. Dahil bukas na aklat ang plano ni Binay na tumakbo para pangulo sa 2016 ay pinaulanan siya ng iba’t ibang bintang ng iregularidad na naganap umano sa Makati. At ang mga bumabato ay mga senador na may sarili ring hangarin sa darating na halalan.

Kamakailan ay nalantad naman ang mga kalokohan sa New Bilibid Prison (NBP) kung saan ang mga big-time na preso ay nakapamumuhay pala sa karangyaan, at ang mga drug lord ay patuloy umanong nakapag-o-operate ng negosyo sa pagpapakalat ng bawal na gamot kahit nakakulong.

Sa kabila ng lahat ng ito at ng ibang mga problema na kinaharap ng bansa, mahigit pito sa bawat 10 Pilipino o 71 porsyento ang umaasang magiging maligaya ang Pasko ngayong 2014, ayon sa bagong survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon sa SWS ay malaki ang ipinagbuti nito sa naitalang 62 hanggang 64 porsyento mula 2004 hanggang 2009. Bagama’t nakabawi ito sa 69 porsyento noong 2010 ay muli itong bumagsak sa 64 porsyento noong 2011 at 2012, at 62 porsyento noong 2013.

Ang “Ulat ng Bayan” survey na isinagawa naman ng Pulse Asia ay inilabas nitong nagdaang Disyembre 15. Makikita rito na ang halos siyam sa 10 mga Pilipino o 88 porsyento ay nagpahayag ng pag-asa sa pagharap sa 2015 sa kabila ng mga problemang bumabalot sa bansa.

Magandang malaman na nagbabangayan man ang mga opisyal ng bansa na pinagkatiwalaan nila ng boto, ay nananatili pa ring positibo at buhay ang pag-asa sa puso ng ating mga kababayan sa darating na Pasko at pati na sa darating na 2015.

Ang pagpapanatili ng positibong pananaw ng isang tao ang nagsisilbing daan para hindi siya maigupo ng problema na dumarating sa araw-araw.

Ang pagkapit naman sa pag-asa ang nagsisilbing armas upang mapagtagumpayan ang mga balakid na dumarating sa buhay.

Sana nga lang ay isaalang-alang ng mga kagalang-galang nating opisyal ang kapakanan ng ating mga mamamayan at ibuhos ang kanilang mga pagsisikap sa paghahanap ng solusyon sa mga problema na nagpapahirap sa kanila, sa halip na nakatutok lagi-lagi sa mga puwede nilang gawin upang mawasak at mapabagsak ang isa’t isa.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *