MARAMI sa atin ang nagulat nang matuklasan sa isinagawang raid ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) ang mga laman ng kubol sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Sa halip kasi na mga preso ang makikita sa loob ay puro mamahaling gamit ang laman sa loob ng mga kubol bukod pa rito ang mga kakaibang luho na nagagawa ng inmates sa Maximum Security Compound.
Kabilang sa mga luhong nakita sa loob ng mga kubol ng mga high-profile inmates ang mamamahaling appliances, matataas na kalibre ng baril, shabu, pera na aabot sa halos dalawang milyong piso, sex toys at iba pa.
Lumutang din ang pangalan ng ilang high-profile inmates na may kagagawan kung bakit nagkaroon ng mga ganitong klaseng luho sa loob ng Maximum Security Compound na hindi dapat makita sa loob ng mga kubol.
Ilang pangalan din ng mga opisyal at dating opisyal ng Bureau of Correction (BUCOR) ang sinasabing may kinalaman kung bakit nagkaroon ng mga mamahaling appliances, baril, shabu, pera at iba pa sa loob ng NBP.
Ngunit katulad ng dati, panay ang turuan nila kung sino ang dapat sisihin at maparusahan sa nadiskubreng ito ng mga tauhan ng NBI at DOJ samantala alam naman nating lahat na bilang opisyal ay siguradong may kinalaman sila sa pagkakaroon ng mga luho sa loob ng pambansang kulungan.
Ang nakagugulat lang dito bakit parang may ipinagtatanggol ang DOJ samantalang dapat siguro ay pagpaliwanagin ang lahat ng may kinalaman dito nang sa gayon ay matukoy kung sino sa kanila ang dapat maparusahan.
Isa rin sa nakapagtataka sa kaganapan sa loob ng NBP nang magkaroon ng album ang isang inmate sa Maximum Security Compound na sa loob pa mismo ng pambansang kulungan nag-shoot para sa MTV nito.
Sa katunayan nito, nagkamit pa ng pagkilala ang album ng sinasabing inmate at naging patok pa sa “Youtube” at pinasalamatan pa ng singer/composer ang ilang opisyal ng NBP at ilang politiko.
Sabi tuloy ng karamihan sa mga Pilipino, maging sa loob ba ng NBP ay nagagawa pa rin ng mga may pera ang kanilang mga gusto habang ang mahihirap na inmates lamang ang naghihirap sa pagbuno sa sentensiyang ipinataw sa kanila ng korte dahil sa nagawa nilang kasalanan.
Hanggang kalian kaya ito mangyayari sa ating pambansang kulungan? Naniniwala tayo na hanggang walang napaparusahan sa nangyaring ito sa NBP ay magpapatuloy ito sa mga susunod pang panahon.
Alvin Feliciano